• Tony Miñano Macalisang

2 BABAE AT ISANG LALAKI TIMBOG HABANG NAGTOTONG-ITS SA SAN FERNANDO


SAN FERNANDO, Romblon – Dinakip ng pinagsanib na operatiba ng kapulisan ang tatlong suspek na naaktuhang naglalaro ng “Tong-its” kahapon ng alas 4:30 ng hapon, Setyembre 19, 2020 sa Barangay Taclobo, San Fernando, Romblon.


Kinilala ng San Fernando Municipal Police Station (SFMPS), ang mga suspek na sina Irene Galindez Concil, 45 taong gulang, may-asawa, maybahay, Dina Vicente Ruga, 30 taong gulang, may kinakasama, maybahay, at Jocencio Salazar Vicente, 54 taong gulang, may-asawa, mangingisda at pawang mga residente ng Barangay Taclobo, San Fernando, Romblon.


Ayon sa pulisya, sa nasabing oras, petsa at lugar nagsagawa umano ng pinagsanib na operasyon ang San Fernando MPS sa pamumuno ni PCPT Sandy Falcutila, 3rd Manuever Platoon ng Romblon Provincial Mobile Force Company at PIU Romblon PPO laban sa ilegal na sugal sa nasabing munisipyo kung saan naaktuhan ng mga operatiba ang mga suspek na naglalaro ng “tong-its”.


Nakumpiska sa posisyon ng mga suspek ang baraha na ginamit sa pagsusugal at pera na halagang P37.00 na pinapaniwalaang ginamit na taya sa pagsusugal.


Ipinaalam naman ng kapulisan sa mga suspek ang kanilang karapatan sa ilalim ng Batas ng Pilipinas bago dinala sa himpilan ng San Fernando MPS.


Kasong paglabag sa PD 1602 as amended by RA 9287 ang inihahanda ng San Fernando MPS na isampa laban sa mga suspek sa Prosecutor’s Office. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.