• Tony Miñano Macalisang

2 lalaki huli sa pagkatay ng aso sa Odiongan


ODIONGAN, Romblon – Arestado ang dalawang lalaki na nagkatay ng aso kaninang 9:30 ng umaga, Agosto 26, 2020 sa Sitio Cocoville, Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon.


Kinilala ni Police Captain Manuel F. Fernandez, Jr., Hepe ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS) ang mga suspek na sina Johnny Dimailig Factor, 59 taong gulang, may live-in partner, walang trabaho at residente ng Sitio Cocoville, Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon at si Vivincio Gabay Patnon, Jr., 65 taong gulang, balo, walang trabaho at nakatira sa Barangay Ligaya, Odiongan, Romblon.


Sa imbestigasyon ng Odiongan MPS, nakita umano ng anak ng suspek na dumating ang kanyang ama (Factor) sa kanilang bahay sakay ng motorsiklo na may dalang dalawang patay na aso na nakalagay sa sako. Inilagay umano ng suspek ang dalang aso sa ibabaw ng mesa at magkasamang nilinisan ito ng dalawang suspek at pagkatapos ay pira-pirasong tinadtad saka iniluto para ibenta.


Ang dalawang suspek ay dinakip sa ginawang hot pursuit operation na isinagawa ng nagresponding mga tauhan ng Odiongan MPS. Nakuha sa naturang bahay ang tinadtad na karne ng aso at motorsiklo na ginamit ng suspek.


Dinala ang nasabing mga suspek sa Odiongan MPS kasama ang mga narekober na ebidensya para sa kaukulang aksyon.


Ang Odiongan MPS ay inasistehan ng Municipal Agriculture Office ng bayan ng Odiongan para sa dokumentasyon ng naturang kaso.


Kasalukuyang nasa kustodya ng Odiongan MPS ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 8485 (Animal Welfare Act of 1998) as amended by RA 10631 ang inihahanda ng kapulisan na isampa sa korte laban sa mga suspek. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.