• Tony Miñano Macalisang

2 lalaki sa Banton, Romblon timbog sa pangingisda sa fish sanctuary


BANTON, Romblon – Dalawang mangingisda ang inaresto ng mga nagpapatrolyang kapulisan matapos matiyempuhan na ilegal na nangingisda sa “Fish Sanctuary” na sakop ng Barangay Yabawon, Banton, Romblon kahapon ng 5:00 ng hapon ng Disyembre 1, 2020.


Ang mga dinakip na suspek ay nakilala na sina Bresam Fajut Fedilin, 31 taong gulang, binata at Danmark Senorin Musico, 31 taong gulang, binata at parehong mga residente ng Barangay Yabawon, Banton, Romblon na lumabag sa Municipal Ordinance No. 02 s. 2010 Section 8 (“An ordinance Establishing Fish Sanctuary and Coral Reef Protection and Preservation in the Municipal Water of Banton, Romblon and Imposing Penalty thereof”).


Sa ulat ng Banton Municipal Police Station (BMPS), nagsagawa umano ng pagpapatrolya sa karagatan na sakop ng bayan ng Banton ang mga tauhan ng nasabing estasyon sa ilalim ng superbisyon ni PLT Ann Michell V. Selda, OIC, kung saan ay nahuli ang dalawang suspek na ilegal na nangingisda sa fish sanctuary gamit ang pana (spear gun) na paglabag sa ipinapatupad na municipal ordinance ng munisipyo ng Banton.


Nakumpiska sa mga suspek ang pana (spear gun), goggles at ang kanilang nahuling isda na tinatayang nasa halagang P300.00.


Ang mga hinuling suspek na nasa ilalim ng kustodiya ng Banton MPS ay palalayain lamang matapos na makapagbayad ng kaukulang multa na halagang isang libong piso (P1,000.00) sa Municipal Treasurer’s Office ng bayan ng Banton, Romblon. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.