• Tony Miñano Macalisang

2 LALAKI TIMBOG SA BUY-BUST OPERATION KONTRA ILEGAL NA DROGA SA KABESIRA NG ROMBLON



ROMBLON, Romblon – Hulog sa kamay ng Batas ang dalawang lalaki matapos na maisagawa ang buy-bust operation laban sa ilegal na droga nitong 1:20 ng hapon ng Pebrero 1, 2021 sa Sitio Batisan, Barangay Capaclan, Romblon, Romblon.


Ang mga suspek ay kinilala na sina Karl Arron Mellendrez Montaṅa, 20, binata, walang trabaho at nakatira sa Barangay Poblacion II, Romblon, Romblon at Christian Andal Fontejon, 21, binata, walang trabaho at residente ng barangay III, Romblon, Romblon.


Sa imbestigasyon ng Romblon Municipal Police Station (RMPS) isang pinagsamang buy-bust operation ang ikinasa ng mga tauhan ng Romblon MPS, Romblon PIU-PDEU, PDEA-Romblon, RDEU, RID, RCSG at Romblon Maritime Police Station kung saan ay isang operatiba ang nagpanggap na “poseur buyer” ang nakabili sa mga suspek ng isang kaha ng sigarilyo na naglalaman ng pinatuyong dahon ng pinaghihinalaang marijuana gamit ang dalawang pirasong Five Hundred Pesos (P500.00) na perang papel.


Matapos na maisagawa ang transaksyon ay ibinigay ng “poseur buyer” ang senyas sa mga kasamahang operatiba at dito na inaresto ng kapulisan ang mga suspek.


Nakumpiska sa posisyon ni Karl Arron Montaṅa ang dalawang five hundred pesos (P500.00) na perang papel, isang kaha ng sigarilyong Marlboro na may laman na dalawang stick ng sigarilyo, isang pirasong lighter, at mga perang barya, habang ang nakuha kay Christian Fontejon ay isang piraso na heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinatuyong dahon ng pinaghihinalaang marijuana, mga perang barya at isang lighter.


Ang ilegal na droga na nakuha sa ginawang buy-bust mula sa mga suspek ay tinatayang nasa humigit kumulang sa 4 grams na pinatuyong dahon ng pinaghihinalaang marijuana na nagkakahalaga umano ng isang libo at anim na daang piso (P1,600.00).


Ang pagmarka at pag-imbentaryo ng mga nakumpiska sa mga suspek ay isinagawa sa kanilang harap at sa mga saksi na kinabibilangan nina Barangay Kagawad Owen Mendez na isang elected official, at Sabrina Malacapo na representante mula sa opisina ng DOJ.


Kasong paglabag sa Section 5 Article II of RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang inihahanda ng Romblon MPS na isampa sa Prosecutor’s Office sa Romblon, Romblon laban sa dalawang suspek. (Romblon Sun Online)

ADVERTISE WITH US!.png