• Tony Miñano Macalisang

2 Lalaking naaktuhang pumuputol ng niyog sa San Agustin, Romblon, timbog


SAN AGUSTIN, Romblon – Huli sa akto ang dalawang lalaking naglalagare ng punong niyog dakong 10:20 ng umaga ng Enero 23, 2021 sa Barangay Cagboaya, San Agustin, Romblon.


Inaresto ng mga tauhan ng San Agustin Municipal Police Station (SAMPS) ang mga suspek na nakilalang sina Ryan Ladao Rollan, binata, 32 taong gulang, chainsaw operator at Jonathan Rocha Mapalad, binata, 30 taong gulang, manggagawa at kapwa nakatira sa Barangay Poblacion, San Agustin, Romblon.


Ayon sa pulisya dakong 10:00 ng umaga ng nasabing araw ang mga tauhan ng San Agustin MPS sa pamumuno ni PEMS Bonifacio Falceso, Jr., ay nagsagawa ng pagpapatrolya sa bayan ng San Agustin at nang pagsapit sa Barangay Cagboaya ay nakarinig umano sila ng tunog ng makina ng chainsaw, kaya’t kanilang pinuntahan ang lugar na pinanggalingan ng tunog at kung saan ay kanilang naaktuhan ang mga suspek na pinuputol ang isang puno ng niyog.


Sa pag-imbestiga ng pulisya, ay walang maipakitang permit sa pagpuputol ng niyog mula sa Philippine Coconut Authority (PCA) ang mga suspek at ang naipakita lamang ay ang “expired” na rehistro ng chainsaw na inisyu ng opisina ng DENR.


Kinumpiska ng mga awtoridad sa mga suspek ang isang chainsaw na nakarehistro sa isang nagngangalang Arturo R. Rollan ng Barangay Poblacion, San Agustin, Romblon, mga pinirasong puno ng niyog na humigit kumulang sa six hundred thirty six (636) board feet na tinatayang nagkahahalaga ng Twelve Thousand Pesos (P12,000.00).


Dinala ang mga nahuling suspek sa San Agustin MPS at nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 9175 (Chainsaw Act of 2002) at RA 8048 as amended by RA 10593 (Coconut Preservation Act of 1995) na inihahanda ng nasabing himpilan na isasampa laban sa mga suspek sa Provincial Prosecutor’s Office. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.