• Tony Miñano Macalisang

2 magkapatid na mangingisda inabot ng sama ng panahon sa laot, isa nawawala


MAGDIWANG, Romblon – Patuloy pang hinahanap ang isang mangingisdang nawawala na pumalaot noong Nobyembre 30 ngunit inabot ng sama ng panahon sa laot.


Ang nasabing mangingisda ay kinilala na si Jordan Balete Mercurio, 30 taong gulang, may-asawa, mangingisda at residente ng Sitio Can uwak, Barangay Ambulong, Magdiwang, Romblon.


Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na noong 2:00 na madaling araw ng Nobyembre 30, 2020 ang nawawalang si Jordan at ang nakakatandang kapatid nito na si Allan Balete Mercurio ay pumalaot para mamingwit ng isda sa Sibuyan Sea malapit sa Barangay Danao, Cajidiocan, Romblon sakay ng kulay puti at asul na bangkang de motor na may nakatatak na “Allen 1”. Ngunit, sa kasamaang palad nagkaaberya ang makina ng kanilang bangka dahil sa lakas ng hangin at malalaking alon na dala ng sama ng panahon kung kaya’t nagpalutang-lutang sila sa gitna ng dagat.


Kanila umanong itinali ang kanilang bangka sa balsa kung saan ay napansin sila ng kanilang kapwa mangingisda na taga Cajidiocan na siyang nagpaabot ng nasabing pangyayari.


Agad namang ikinasa ng Philippine Coast Guard Magdiwang at Magdiwang LDRRMO ang isang rescue operation dakong 8:00 ng umaga ng Disyembre 1, 2020 gamit ang isang malaking pumpboat ngunit hindi nito kinaya ang malalaking alon at malakas na hangin kaya’t nagdesisyon silang bumalik.


Naibalita naman noong 7:00 ng gabi na nailigtas si Allan Mercurio sa dalampasigan ng Barangay Cambijang, Cajidiocan, Romblon habang si Jordan ay hindi pa nakikita.


Ayon kay Allan, nagkahiwalay umano sila noong tanghali ng Disyembre 1 dahil sa sobrang pagod dala ng gutom, labis na lamig at pagkapuyat.


Patuloy pa rin ang isinasagawang “search and rescue operation” ng kinaukulan malapit sa lugar na huling pinagkitaan kay Jordan.


Ang mangingisdang nawawala na si Jordan Mercurio ay may katamtamang pangangatawan, kayumanggi, medyo kalbo at nakasuot ng itim na t-shirt at pajama noong ito ay pumalaot. (Romblon Sun Online)


Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.