• Tony Miñano Macalisang

2 MENOR DE EDAD NAWAWALA SA ILOG SA ODIONGAN, ROMBLON


ODIONGAN, Romblon – Patuloy pa ring pinaghahanap ang dalawang magpinsan na tinangay ng malakas na agos ng tubig kahapon ng 12:30 ng hapon, Agosto 21, 2020 sa ilog ng Bulwang, Sitio Bulwang, Barangay Gabawan, Odiongan, Romblon.


Kinilala ang mga biktima na sina Josh Bryan Molo Faeldan, 10 taong gulang, Grade 5 pupil at Mary Joy Logatoc Faeldan, 16 taong gulang, Grade 11, estudyante, kapwa residente ng nasabing lugar.


Sa nakalap ng ulat ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), ang dalawang biktima kasama ang apat pa na parehong menor de edad ay naligo sa ilog ng Bulwang at habang naliligo ang grupo ay inanod ang dalawang biktima ng malakas na agos ng tubig at napahiwalay sa kanilang mga kasamahan.

Dahil sa nangyari ay agad na humingi ng tulong ang mga bata kay Barangay Kagawad Marlo Forcadas na kinontak naman ang Odiongan MPS na kung saan sa pakipagtulungan ng mga tauhan ng nasabing estasyon at ng Odiongan MDDRMC, Philippines Coast Guard-Odiongan Station at BFP-Odiongan ay ginalugad ang magkabilang pampang at kahabaan ng ilog ngunit hindi natagpuan ang dalawa.


Habang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang ginagawang search and rescue operation ng kinaukulan upang marekober ang mga biktima. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.