• Tony Miñano Macalisang

2 SABUNGERO TIKLO SA PATAGONG TUPADA SA SAN ANDRES, ROMBLON


SAN ANDRES, Romblon – Dalawang lalaki ang nasakote ng pulisya sa ilegal na patupada dakong alas 3:15 ng hapon, Setyembre 6, 2020 sa Sitio Mablaran, Barangay Linawan, San Andres, Romblon.


Ang dalawang sabungero na nahuli ay kinilala na sina Jomar Fajutnao Perez, 25 taong gulang, binata, laborer, at Roberto Manilay Fajilagutan, 44 taong gulang, binata, laborer at parehong residente ng Barangay Linawan, San Andres, Romblon.


Ayon sa pulisya, sa nasabing petsa, oras at lugar isang anti-illegal cockfight operation ang isinagawa ng mga tauhan ng San Andres Municipal Police Station (SAMPS) kung saan ay mabilis nilang sinalakay ang nasabing lugar na pinagdausan ng ilegal na tupada ngunit habang papalapit ang mga operatiba ay napansin ng ibang mga kalalakihan ang paparating na mga kapulisan at nagtakbuhan ang mga ito sa iba’t-ibang direksyon palayo sa nasabing lugar. Hinabol naman ng mga kapulisan ang mga tumakas na mga suspek hanggang sa mahuli ang dalawa sa mga ito.


Narekober sa posisyon ng mga suspek ang limang manok na sasabungin, (apat na patay at isang buhay), dalawang tari na may lalagyan, at pera na nagkahahalaga ng isang libo, dalawang daan at pitong piso (P1,207.00).


Ang nahuli na dalawang suspek at ang mga kinumpiskang gamit ay dinala sa himpilan ng San Andres MPS para sa kaukulang disposisyon.


Kasong paglabag sa Presidential Decree No. 449 or the Cockfighting Law of 1974 ang inihanda ng San Andres MPS para isampa laban sa mga suspek sa Tanggapan ng Piskalya sa Odiongan, Romblon. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.