• Tony Miñano Macalisang

3 lalaki na ilegal na namumutol ng punong niyog sa Sta. Maria, timbog sa pulisya


SANTA MARIA, Romblon - Hinuli ng mga tauhan ng Santa Maria Municipal Police Station (SMMPS) ang tatlong lalaki na naaktuhang namumutol ng mga punong niyog sa Barangay Bonga, Santa Maria, Romblon noong 1:40 ng hapon ng Hulyo 24, 2020.


Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Aser Tadia Rosa, 39 taong gulang, may asawa, chainsaw operator, Potenciano Magada Lopez, 47 taong gulang, binata, helper at kapwa residente ng Barangay Concepcion, Santa Maria, Romblon, at Berdan Mortos Rosa, 33 taong gulang, may-asawa, helper at nakatira sa Barangay Bonga, Santa Maria, Romblon.


Sa ulat ng pulisya, habang nagsasagawa ng pagpapatrolya ang mga tauhan ng Santa Maria MPS ay nakarinig sila ng malakas na tunog mula sa chainsaw malapit sa kanilang kinaroroonan. At ng kanilang usisain ang pinagmulan ng ingay ay kanilang nakita ang mga suspek na aktong nilalagare ang puno ng niyog upang gawing tabla. Sa puntong ito, tinanong ng mga awtoridad ang mga suspek kung mayroon silang kaukulang permit mula sa Philippine Coconut Authority (PCA), ngunit walang maipakita ang mga ito.


Dahil dito, inaresto ng mga tauhan ng Santa Maria MPS ang tatlo at kinumpiska ang ginamit na chainsaw na nakarehistro sa isang nagngangalang Danilo Montiel ng Barangay Bachawan, San Agustin, Romblon.


Dinala ang mga suspek at ang ginamit nilang chainsaw sa himpilan ng Santa Maria MPS para sa kaukulang disposisyon.


Kasong paglabag sa RA 8048 as amended by RA 10593 ang inihahandang ikaso sa korte ng pulisya laban sa tatlong suspek. (Tony Miñano Macalisang / Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.