• Tony Miñano Macalisang

3 lalaki naaktuhang namumutol ng kahoy sa kabesira, arestado


ROMBLON, Romblon – Tatlong lalaki ang nasakote ng pulisya sa aktong pamumutol ng punong kahoy kahapon ng alas 12:00 ng hapon, Setyembre 16, 2020 sa Barangay Sawang, Romblon, Romblon.


Kinilala ng mga tauhan ng Romblon Municipal Police Station (RMPS) ang mga suspek na sina Leonardo Mesana Macalam, 62 taong gulang, may-asawa, walang trabaho, may-ari ng lupa at punong kahoy, at residente ng Barangay Mapula, Romblon, Romblon, Ramon Ruga Seraspi, 45 taong gulang, may-asawa, chainsaw operator at nakatira sa Barangay Mapula, Romblon, Romblon, at Edito Rotoni Seraspi, 48 taong gulang, may-asawa, manggagawa, at residente ng Barangay Lunas, Romblon, Romblon.


Sa imbestigasyon ng Romblon MPS, nakatanggap umano ng sumbong ang kanilang estasyon tungkol sa nagaganap na ilegal na pagpuputol ng punong kahoy sa kabundukan na sakop ng Barangay Sawang, Romblon, Romblon mula sa isang nagmamalasakit na mamamayan. Agad namang nagpadala ng mga tauhan ang Romblon MPS sa nasabing lugar para kumpirmahin ang ipinabot na balita at kanilang naaktuhan ang mga suspek na pumuputol ng punong kahoy na “An-an” gamit ang isang chainsaw para gawing pinirasong tabla.


Napag-alaman ng pulisya na ang ginamit na chainsaw ay nakapangalan umano sa isang Diolito Menes at wala silang kaukulang permiso para pumutol ng punong kahoy.


Nakuha sa mga suspek ang isang chainsaw at mga pinirasong kahoy sa iba’t-ibang laki na may katumbas na halagang P1, 400.00.


Ang pag-imbentaryo sa mga nakumpiska sa mga suspek ay ginawa at sinaksihan ni Kagawad Rodel Malsi ng nasabing Barangay.


Ang mga nahuling suspek kasama ang mga nakumpiskang gamit at kahoy ay dinala sa himpilan ng Romblon MPS para sa kaukulang disposisyon.


Ang nasabing kaso ay isasangguni sa DENR Provincial Office sa bayan ng Odiongan para sa kaukulang Administrative hearing. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.