• Tony Miñano Macalisang

3 LALAKING NAGSUSUGAL SA BAYAN NG LOOC, TIKLO SA KAPULISAN


LOOC, Romblon – Hindi na nakapalag sa mga tauhan ng Looc Municipal Police Station (LMPS) ang tatlo na lalaking naaktuhang nagsusugal noong 4:30 ng hapon ng Agosto 10, 2020 sa Barangay Limon Sur, Looc, Romblon.


Ang mga hinuli ng kapulisan ay kinilalang sina Erik Praculos Bumaya, 39 taong gulang, may live-in partner, magsasaka at residente ng Sitio Bai-han, Brgy. Limon Sur, Looc, Romblon, Eduardo Benidecto Monilla, 38 taong gulang, binata, magsasaka, nakatira sa Site Grande, Brgy. Limon Sur, Looc, Romblon, at si Mamerto Amar Guyo, 53 taong gulang, may-asawa, residente ng Barangay Limon Sur, Looc, Romblon.


Ayon sa pulisya, nakatanggap umano ng tawag ang himpilan ng Looc MPS mula sa isang concerned citizen na mayroon umanong nagsusugal sa nasabing lugar. Dahil dito, agad na nagsagawa ng anti-illegal gambling operation ang mga tauhan ng Looc MPS na kung saan ay nasakote ang mga suspek na naaktuhang naglalaro ng baraha na “Posoy-Dos” na isang paglabag sa PD 1602 as amended by RA 9287.


Nakumpiska sa mga suspek ang ginamit na baraha, at pera na ginamit ng mga suspek sa pagtaya.

Ang mga suspek at ang nakumpiskang ginamit sa pagsusugal ay dinala sa opisina ng Looc MPS para sa kaukulang disposisyon.


Samantala, kasong paglabag sa PD 1602 as amended by RA 9287 ang inihahandang isampa ng kapulisan sa piskalya laban sa mga suspek. (Tony M. Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.