• Tony Miñano Macalisang

3 mangingisda na gumagamit ng air compressor sa Magdiwang, timbog


MAGDIWANG, Romblon – Inaresto ng kapulisan ang tatlong mangingisda sa paglabag sa Municipal Fisheries Code of 1998 kaninang alas 1:40 ng umaga, Setyembre 1, 2020 sa karagatan na sakop ng Barangay Silum, Magdiwang, Romblon.


Ang mga hinuli ng mga tauhan ng Magdiwang Municipal Police Station (MMPS) ay nakilala na sina Danilo Dongon Rapsing, 49 taong gulang, may-asawa, mangingisda, Renato Regala Merico, 35 taong gulang, may kinakasama, mangingisda, at Carlo Almonicar Rance, 30 taong gulang, binata, mangingisda at pawang mga residente ng Barangay Silum, Magdiwang, Romblon.


Sa ginawang imbestigasyon ng Magdiwang MPS, may nagpaabot umano ng impormasyon sa himpilan ng Magdiwang MPS mula sa ilang mangingisda na mayroong silang nakita na nagsasagawa ng ilegal na pangingisda sa kanilang lugar kaya’t nagsagawa ng pagsisiyasat ang kapulisan at kanilang nakumpirma ang naturang balita. Agad kumilos ang mga tauhan ng Magdiwang MPS sa pangunguna ni PSSG Stephen V. Patiño at ang tatlong kasama na pinuntahan ang nasabing lugar at naaktuhan ang mga suspek na gumagamit ng ipinagbabawal na air compressor sa pangingisda.


Nakumpiska sa mga suspek ang isang makina na Yamada 12 HP, isang air compressor na may kasamang tangke, 3 pirasong hose na may haba na 100 metro bawat piraso, 4 na pana, 2 piraso na flippers, 2 pares na goggles, flashlight, iba’t-ibang klase ng mga nahuling isda.


Ang mga suspek ay dinala sa himpilan ng Magdiwang MPS para sa kaukulang disposisyon.


Kasong paglabag sa Municipal Fisheries Code of 1998 ang haharapin ng mga suspek. (Tony M. Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.