• Tony Miñano Macalisang

3 mangingisda timbog sa illegal fishing sa Cajidiocan, Romblon


CAJIDIOCAN, Romblon – Tatlong mangingisda ang inaresto dahil sa pagsagawa ng illegal fishing nitong 2:30 ng umaga ng Oktubre 5, 2020 sa karagatan na sakop ng bayan ng Cajidiocan, Romblon.


Kinilala ang mga hinuli na sina Valentino Cunanan Gado, 50 taong gulang, may-asawa, Arwin Rabino Ramilo, 29 taong gulang, may kinakasama, at si Jayson Rabino Ramilo, 24 taong gulang, may kinakasama at pawang mangingisda at residente ng Barangay Silum, Magdiwang, Romblon.


Ayon sa ulat, ang mga tauhan ng Cajidiocan Municipal Police Station (CMPS) na pinamunuan ni PSMS Lani R. Ruba, katuwang ang Philippine Coastguard (Magdiwang base) na pinangunahan ni PO2 Paul Anthony Marceṅo at Philippine Coastguard (Cajidiocan base) sa pamumuno ni PO2 Hermel Arroyo ay nagsagawa ng pinagsamang operasyon na magpatrolya sa karagatan na sakop ng bayan ng Cajidiocan, Romblon kung saan ay nasakote ang nasabing mga suspek na lumabag sa Municipal Ordinance No. 0713 Section 67 ng Local Fisheries Code na pagbabawal sa paggamit ng air compressor sa pangingisda.


Nakumpiska sa nasabing mga mangingisda ang isang bangkang de makina, isang air tank compressor, hose na may haba na 90 metro, dalawang pares ng flippers, 2 goggles, isang flashlight, tatlong pirasong spear gun at iba’t-ibat klase ng isda na may halagang P500.00.


Ayon sa pulisya, ang naturang mga mangingisda ay dinala sa himpilan ng Cajidiocan MPS para sa kaukulang disposisyon. (Tony Minano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.