• Tony Miñano Macalisang

3 sugatan sa aksidente ng dalawang motorsiklo sa bayan ng Ferrol, Romblon


FERROL, Romblon  - Isang aksidente ang nangyari na sangkot ang dalawang motorsiklo dakong 4:30 ng hapon, Biyernes, Agosto 13, 2020 sa Barangay Claro M. Recto, Ferrol, Romblon.


Kinilala ng pulisya ang sakay ng kulay itim na motorsiklong Rusi 100 na si Isagani Faclarin Famajilan, 41 taong gulang, may-asawa, magsasaka, at residente ng Barangay Claro M. Recto, Ferrol, Romblon at ang nakasakay naman sa isang motorsiklong kulay itim na Suzuki Smash 115 ay si Lanie Maestro Gacilo, 34 taong gulang, dalaga, walang trabaho at ang angkas nito na si Emelio Baliguat Maestro, 26 taong gulang, binata, SK Chairman at parehong nakatira sa Barangay Progreso Este, Odiongan, Romblon.


Sa isinagawang imbestigasyon ng mga tauhan ng Ferrol Municipal Police Station, binabaybay umano ni Famajilan sakay ng kanyang motorsiklo ang paahon na kalsada sa nasabing barangay papunta sa direksyon ng bayan ng Odiongan nang mawalan ito ng kontrol sa minamanehong sasakyan at napagawi sa kabilang linya kung saan naman ay kasalukuyang dumadaan ang motorsiklong sinasakyan ni Gacilo kasama ang kayang angkas na si Maestro, at nabangga ito na naging dahilan para tumilapon ang mga sakay. Dahil dito nagtamo ng sugat at galos ang sakay ng dalawang motorsiklo na agad dinala sa Romblon Provincial Hospital para malapatan ng kaukulang  lunas.


Samantala, dinala naman ng mga kapulisan ang mga motorsiklo na sangkot sa naturang aksidente sa Ferrol Municipal Police Station upang pansamantalang ilagay sa kustodiya ng naturang estasyon para sa kaukulang disposisyon.


Napag-alaman ng pulisya na si Famajilan ay nasa ilalim umano ng espiritu ng alak noong maganap ang nasabing aksidente. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.