• Tony Miñano Macalisang

4 na ilegal na minero arestado sa bayan ng Magdiwang


Magdiwang, Romblon – Arestado ang apat na lalaki na naaktuhang nagsasagawa ng ilegal na pagmimina sa Sitio Pisi, Barangay Ipil, Magdiwang, Romblon nitong nakaraang araw.


Kinilala ni PCpt. Chisi F. Faderagao, Acting COP ng Magdiwang Municipal Police Station (MMPS) ang mga suspek na sina,  Rudy Rapada Gibato, 52 taong gulang, binata at nakatira sa Brgy. Dulangan, Magdiwang, Romblon, Aldren Rosas Rapada, 29 taong gulang, binata at nakatira sa Brgy. Silum, Magdiwang, Romblon, Rommel Molleda Rapada, 38 taong gulang, may asawa at nakatira sa Brgy. Dulangan, Magdiwang, Romblon at Carlo Salonga Didel, 23 taong gulang, binata, at residente ng Brgy. Poblacion, Magdiwang.


Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, isang pinagsanib na operasyon ang ikinasa ng tropa ng CIDG Romblon sa pangunguna ni PMaj Daniel R. Yema, RID 4B, Romblon Provincial Mobile Force Company at Magdiwang MPS sa ilalim ni Pcpt. Faderagao laban sa ilegal na pagmimina sa Barangay Ipil, Magdiwang kung saan ay naaktuhan ang mga suspek na naghuhukay at nagpoproseso ng mga bato at lupa gamit ang ball mill sa pagsagawa ng ilegal na pagmimina ng ginto.


Ang mga nasabing suspek ay nasabihan ng kanilang mga karapatan sa ilalim ng saligang batas ng Pilipinas noong sila ay inaaresto gayundin ang dahilan ng kanilang pagkahuli at sila ay dinala sa himpilan ng Magdiwang MPS kasama ang mga nakumpiskang mga kagamitan para sa pagsampa ng kaukulang kaso.


Nahaharap ang nasabing mga suspek sa paglabag sa RA 7942 o kilala rin sa tawag na Philippine Mining Act of 1995. (Tony Macalisang/ Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.