4 na manggagawa sa San Jose nagpositibo sa Rapid Antibody Test




SAN JOSE, Romblon – Inanunsyo ng San Jose Rural Health Unit – Romblon na mayroon apat katao ang nagpositibo sa isinagawang Rapid Diagnostic Test (RDT) sa isandaan at dalawampu’t tatlong (123) trabahador ngayong araw bilang bahagi ng “Return To Work Protocol”.


Inilipat naman sa isolation facility ang apat at isasailalim pa ang mga ito sa confirmatory swab test sa susunod na araw at mananatili sila sa nasabing pasilidad hanggang sa lumabas ang resulta ng confirmatory test mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).


Ang nasabing apat na may positibong resulta sa RDT ay asymptomatic o hindi nakitaan ng anumang sintomas.


Ayon sa Department of Health (DOH) hindi nangangahulugan na pasok ang suspek sa probable at confirmed bilang nagpositive sa Rapid Test dahil kinakailangan pa na sumailalim sa confirmatory testing na isagawa ng RITM.


Panawagan naman ng San Jose Rural Health Unit-Romblon na maging kalmado at huwag mabahala, at sa halip ay magsama-sama sa panalangin na maging negatibo ang resulta ng swab test.


Kanila pang habilin na ang lokal na pamahalaan ng San Jose ay mahigpit na pinapatupad ang mga umiiral na health protocols upang masiguro ang kaligtasan ng lahat.


“Manatili po tayong maging maingat sa sarili, lalong-lalo na tuwing lalabas ng bahay o pupunta sa lugar na maraming tao, palaging magsuot ng facemask tuwing lalabas, panatilihin ang 1 metro na layo sa ibang tao, palaging maghugas ng kamay at panatilihin ang malusog na pangangatawan”, ang paalaala ng San Jose RHU-Romblon.

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.