• Tony Miñano Macalisang

4 na mangingisda na gumagamit ng air compressor sa pangingisda timbog sa Cajidiocan


CAJIDIOCAN, Romblon – Arestado ang apat na mangingisda na gumagamit ng ilegal na apparatus sa pangingisda kaninang 12: 55 ng madaling araw, Marso 17, 2021 sa Barangay Danao, Cajidiocan, Romblon.


Nakilala ang mga suspek na sina Jonnille Roda, 36 taong gulang, binata, mangingisda, Michael Rabino, 36, walang asawa, mangingisda, Marcial Roda, 25, binata, mangingisda at Roney Root, 40 taong gulang, may-asawa, mangingisda at pawang mga residente ng Barangay Cambalo, Cajidiocan, Romblon.


Sa ulat ng Cajidiocan Municipal Police Station (CMPS), sa nasabing petsa, oras at lugar, ang mga tauhan ng Cajidiocan MPS na pinamunuan ni PLT Rosie M. Galus kasama ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard ng Cajidiocan at Looc ay nagsagawa ng pagpapatrolya sa karagatan na sakop ng bayan ng Cajidiocan na nagresulta sa pagkahuli sa mga suspek na lumabag sa pinaiiral na ordinansa ng munisipyo ng Cajidiocan na pagbabawal ang paggamit ng air compressor (Comprehensive Fishery Ordinance of Cajidiocan, Romblon Prohibiting the Use of Air Compressor as Breathing Appararus) sa pangingisda.


Nakumpiska sa mga suspek ang isang bangkang de motor, isang air tank compressor, hose na may haba na humigit kumulang sa 200 metro ang haba, tatlong pares ng flippers, 4 na piraso ng spear gun (pampana ng isda), apat na pirasong flashlight, 3 goggles, at sampung kilo ng iba’t-ibang klase ng isda na tinatayang nagkakahalaga ng P1,200.00.


Ang nakumpiskang mga ari-arian ay dinala ng mga awtoridad sa Cajidiocan MPS para sa kaukulang disposisyon.


Samantala ang mga hinuling mangingisda ay pakakawalan pagkatapos na makapagbayad ng kaukulang multa sa Municipal Treasurer’s Office ng Cajidiocan. (Tony Miṅano Macalisang/Romblon Sun Online)




Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.