• Tony Miñano Macalisang

4 na mangingisda tiklo sa illegal fishing sa San Fernando, Romblon


SAN FERNANDO, Romblon – Dahil sa paggamit ng ilegal na paraan sa pangingisda, timbog sa kapulisan ang apat na lalaki kahapon ng 12:30 ng umaga, Agosto 12, 2020 sa karagatan na sakop ng Barangay Azagra, San Fernando, Romblon.


Kinilala ang mga hinuling suspek na sina Joel Rada Rabo, 48 taong gulang, binata, Jomar Francisco Roda, 21 taong gulang, binata, Gringgo Rey Rabo, 32 taong gulang, binata at si Jerome Lumbre, 25 taong gulang at lahat ay mangingisda at residente ng Barangay Campalingo, San Fernando, Romblon.


Sa imbestigasyon ng pulisya, ang mga tauhan ng San Fernando Municipal Police Station (SFMPS) kasama ang mga miyembro ng Bantay Dagat ay nagsagawa ng anti-illegal fishing operation sa karagatan na sakop ng bayan ng San Fernando na nagresulta ng pagkahuli sa mga suspek.


Nakuha sa mga suspek na mangingisda ang isang bangkang de motor, at  isang piraso na air compressor.


Ang nasabing mga suspek ay mapapalaya sa kustodiya ng San Fernando MPS  pagkatapos nilang makabayad ng multa sa opisina ng Treasurer ng San Fernando LGU. (Tony Minano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.