• Tony Miñano Macalisang

4 na mangingisdang naglalaro ng "pusoy" sa San Fernando timbog sa kapulisan


SAN FERNANDO, Romblon - Arestado ang apat na lalaking naaktuhang naglalaro ng baraha nitong 1:50 ng hapon ng Oktubre 4, 2020 sa Barangay Canjalon, San Fernando, Romblon.


Ang mga nahuling nagsusugal ay kinilala ng San Fernando Municipal Police Station (SFMPS) na sina Bernardo Mendoza Bayle, 38 taong gulang, binata, Delfin Menes Madera, 57 taong gulang, may-asawa, Julie Rotoni Roxas, 42 taong gulang, may-asawa at Ronald Resonable Macula, 31 taong gulang, binata, mga mangingisda at pawang residente ng Barangay Cajimos, Romblon, Romblon.


Sa imbestigasyon ng pulisya, sa nasabing oras, petsa at lugar isang pinagsanib na operasyon ang isinagawa ng mga tauhan ng San Fernando MPS at PIU Romblon laban sa ilegal na sugal kung saan ay naaktuhang naglalaro ng "pusoy" ang mga mangingisdang suspek.


Nakumpiska sa mga ito ang isang set na baraha na ginamit sa pagsusugal, mga ipinustang pera na halagang P346 sa iba't ibang denominasyon at kulay itim na t-shirt.


Dinala ang mga suspek sa himpilan ng San Fernando MPS kasama ang nakumpiska na mga ebidensya.


Kasong paglabag sa PD 1602 as amended by RA 9287 ang inihahandang isampa ng pulisya laban sa mga suspek sa Prosecutor's Office. ( Tony Minano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.