• Tony Miñano Macalisang

5 lalaki na ilegal na nagmimina sa Magdiwang, timbog




MAGDIWANG, Romblon – Dinakip ang limang lalaki na naaktuhang nagsasagawa ng ilegal na pagmimina dakong 3:20 ng hapon ng Agosto 11, 2020 sa Sitio Pisi, Barangay Ipil, Magdiwang, Romblon.


Ang mga suspek ay kinilala ng PCpt Chisi F. Faderagao, COP, Magdiwang Municipal Police Station (MMPS) na sina Mark Gil Magracia Robea, 35 taong gulang, may kinakasama, Dave Modena Rodaje, 29 taong gulang, may-asawa, walang trabaho, Ferdinand Monte Merida, 26 taong gulang, may kinakasama, walang trabaho, Jerome Rodaje Callastre, 22 taong gulang, binata, walang trabaho at puro mga residente ng Barangay Ipil, Magdiwang, Romblon.


Ang iba pang suspek ay nakagawang makatakas ngunit ang isa sa kanila ay nakilala na si alyas Akot, nakatira sa Barangay Ipil, Magdiwang, Romblon samantalang ang dalawa pang kasabwat ay hindi pa nakikilala.


Sa ulat ng pulisya, ang mga tauhan ng Magdiwang MPS sa pangunguna ni PSSg Juanito Ruallo, Jr sa ilalim ng superbisyon ni PCpt. Chis F. Faderogao ay nagsagawa ng illegal mining operation kung saan ang mga suspek ay naaktuhang nagsasagawa ng paghuhukay ng lupa at bato at kanilang pinoproseso gamit ang isang bull mill. Noong hanapan ng mining permit ang mga suspek ay walang maipakita ang mga ito.


Nakuha sa mga suspek ang mga iba’t-ibang gamit sa pagmimina kabilang na ang isang bull mill, 6 na bull mill shafts, electric motor, center pulley, isang  wooden basin (duyang), mallet, crew bar, isang pala, kemikal na mercury na nakalagay sa isang maliit na bote, 2 pirasong lubid, 2 sako na may lamang mineral ore (sakada) at ang lahat ay tinatayang nagkakahalaga ng isangdaan at dalawampung libong piso (P120,000.00).


Ipinaalam sa mga suspek ang kanilang karapatan sa ilalim ng Saligang Batas ng Pilipinas at dinala ang mga ito sa himpilan ng Magdiwang MPS kasama ang mga nakumpiskang gamit sa pagmimina para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.


Kasong paglabag sa Sec. 102 of RA 7942 ang inihahandang isampa ng pulisya laban sa mga suspek. (Tony Minano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.