• Tony Miñano Macalisang

5 Lalaki sa San Agustin dinakip sa ilegal na pagputol ng kahoy na narra


SAN AGUSTIN, Romblon – Inaresto ang limang lalaki na sangkot sa pagputol ng kahoy na narra nitong Octubre 27, 2020 sa Barangay Sugod, San Agustin, Romblon.


Kinilala ng San Agustin Municipal Police Station (SAMPS) ang mga suspek na sina Rodel Morales Manoy, 45 taong gulang, tricycle driver, may-asawa, may-ari ng chainsaw, Eduardo Julba Cacalda, chainsaw operator, 50 taong gulang, Melvin Morales Magbago, 26 taong gulang, binata, walang trabaho, Mark Joseph Marquez Llagas, 23 taong gulang, may kinakasama, walang trabaho at pawang residente ng Barangay Carmen, San Agustin, Romblon at Bernanrdo Billones Motin, 49 taong gulang, tricycle driver, may-asawa at nakatira sa Barangay Sugod, San Agustin, Romblon.


Sa ginawang imbestigasyon ng San Agustin MPS napag-alaman na isang concerned citizen ang nagsumbong na may nagpuputol umano ng punong kahoy na narra sa nasabing lugar kung saan ay agad namang kumilos ang mga tauhan ng San Agustin MPS at pinuntahan ang nabanggit na lugar upang berikahin ang balita, at kung saan ay naaktuhan ng kapulisan ang pagpuputol ng mga suspek sa kahoy na narra na walang kaukulang papeles na maipakita mula sa opisina ng DENR.


Dahil dito hinuli ng kapulisan ang mga suspek pagkatapos na basahan ng kanilang karapatan sa ilalim ng Saligang Batas ng Pilipinas.


Nakuha sa posisyon ng mga suspek ang isang chainsaw, isang 12 inches x 14 feet na nilagareng narra na tinatayang nasa one hundred (100) board feet at nagkahahalaga ng sampung libong peso (P10,000.00).


Dinala ang mga suspek at nakumpiskang narrang kahoy sa himpilan ng San Agustin MPS para sa kaukulang disposisyon.


Ang nasabing kaso ay ililipat at ipagkatiwala sa opisina ng DENR, Odiongan, Romblon para sa isang Adminstative hearing at proper disposition. (Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.