5 NPA at isang sundalo ang nasawi sa engkwentro ng Marines at rebelde sa Brooke’s Point, Palawan


BROOKE’S POINT, Palawan – Limang miyembro ng New People’s Army (NPA) at isang sundalo ng gobyerno ang nasawi sa naganap na engkwentro kaninang 5:30 ng umaga, Setyembre 3, 2020 sa isinagawang raid sa lugar ng mga rebelde sa Barangay Mainit, Brooke’s Point Palawan ng Force

Reconnaissance Group (FRG) ng Philippine Marines.


Kinilala ang mga namatay sa nasabing enkwentro ang dalawang babae at tatlong lalaking rebelde, kasama ang isang may mataas na ranggo na NPA na si Bonifacio Magramo alias Boywan, Tuna at Bongla; Andrea Rosal, alias Naya, Ram, Inlay na sinasabing anak ng dating lider na si Gregorio “Ka Roger” Rosal, at Secretary ng Kilusang Larangay Guerilla-North; Noel Siasico, alias Silnon, Celnon; Ren Manalo, alias Pandan, Lemon, Jona, at Amir; at isang Ka Rj.


Isa naman ang nalagas sa panig ng gobyerno na kinilalang si SSgt. Cesar Barlas, isang sundalong marine at isang Palaweño.


Si Magramo, Rosal, at Celnon ay mga nasa unang listahan ng mga miyembro ng NPA sa Palawan na matagal ang pinaghahanap ng mga awtoridad.


Nakumpiska sa nasabing lugar ng NPA ang iba’t-ibang subersibong dokumento, mga armas, bala at mga personal na gamit.


Sa kasalukuyan ay patuloy pa umanong tinutugis ng tropa ng Philippine Marine ang natitirang miyembro ng mga armadong grupo.


Nakadeploy naman para sa reinforcement ang 1st Provincial Mobile Force Company ng Palawan at ang mga tauhan ng Brookes Point Municipal Police Station sa nasabing lugar. (Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.