• Tony Miñano Macalisang

8 lalaking nangingisda sa Cresta de Gallo na isang marine sanctuary ng San Fernando, Romblon, timbog


SAN FERNANDO, Romblon – Nasakote ang walong mangingisda na ilegal na nangingisda sa loob ng marine sanctuary na sakop ng isla De Gallo, San Fernando, Romblon dakong 11:40 ng gabi ng Enero 2021.


Ang walong suspek ay nakilala na sina Aldrin Malacapo Relox, 23 taong gulang, may-asawa, Carlos Relox, 23 taong gulang, binata, Christian Rase, 35 taong gulang, may-asawa, Domingo Rollon, 29 taong gulang, binata, Tony Marinas, 27 taong gulang, may-asawa, Richard Mabunga, 36 taong gulang, binata, Ramil Rutor, 46 taong gulang, may-asawa, at Alberto Magay, 30 taong gulang, binata at pawang mangingisda at residente ng Barangay Otod, San Fernando, Romblon.


Sa isinagawang imbestigasyon ng San Fernando Municipal Police Station (SFMPS), sa nasabing petsa, oras at lugar, ang mga tauhan ng San Fernando MPS kasama ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard at Bantay Dagat ay nagsagawa ng illegal fishing operation base sa sumbong na mayroong ilegal na nangingisda sa loob ng dineklarang marine sanctuary na sakop ng isla de Gallo, San Fernando, Romblon.


Pagdating ng mga awtoridad sa nasabing lugar ay kanilang naaktuhan ang mga suspek na nangingisda sa loob ng itinakdang marine sanctuary gamit ang ipinagbabawal na air compressor.


Matapos basahan ng kanilang karapatan sa ilalim ng batas ay dinala ang mga suspek sa San Fernando MPS.


Nakumpiska sa posisyon ng mga ito ang iba’t-ibang klase ng isda na kanilang nahuli na nagkakahalaga ng humigit kumulang sa P1,500.00, dalawang bangkang de motor, dalawang tangke ng hangin, walong piraso ng spear gun, at hose na humigit kumulang sa 500 metro ang haba.


Ang naturang mga suspek ay nasa kustodiya ng San Fernando MPS at makakalaya lamang pagkatapos na makapagbayad ng kaukulang multa sa Municipal Treasurers Office ng bayan ng San Fernando. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

ADVERTISE WITH US!.png