• Tony Miñano Macalisang

8 lalaki sa Magdiwang timbog sa pagsagawa ng illegal mining


MAGDIWANG, Romblon – Huli sa aktong naghuhukay ng tunnel ang walong lalaki sa Barangay Dulangan, Magdiwang, Romblon nitong nakalipas na araw.


Kinilala ng mga tauhan ng Magdiwang Municipal Police Station (MMPS) ang walong suspek na sina Mario Ruado Rodelas, 62 taong gulang, may-asawa, laborer, Isidro Merida De Asis, 39 taong gulang, binata, laborer, Jordan Merida De Asis, 20 taong gulang, binata, laborer, Christopher Roda Mendoza, 32 taong gulang, binata, laborer, Leonard Tolosa Rodelas, 18 taong gulang, binata, walang trabaho at pawang mga residente ng barangay Ipil, Magdiwang, Romblon; Arjay Ariones Ruado, 33 taong gulang, binata, nakatira sa Barangay Dulangan, Magdiwang, Romblon; John Carlo Salonga Edjan Dedel, 23 taong gulang, binata at residente ng Barangay Poblacion, Magdiwang, Romblon at Rommel Molleda Rapada, 33 taong gulang, binata, laborer at nakatira sa Barangay Tampayan, Magdiwang, Romblon.


Nakatakas naman ang dalawa pang suspek na ang isa ay nakilala na si Gary Roña Ribot habang ang isa ay hindi nakilala.


Ayon sa imbestigasyon ng Magdiwang MPS, napag-alaman na sa nasabing oras, petsa at lugar ang mga tauhan ng Magdiwang MPS ay nagsagawa ng anti-illegal mining operation na nagresulta sa pagkahuli ng walong suspek na naaktuhang nagsasagawa ng paghuhukay ng tunnel na walang kaukulang permiso.


Nakumpiska sa posisyon ng mga suspek ang iba’t-ibang kagamitan na kanilang ginamit sa naturang ilegal na aktibidad na kinabibilangan ng isang bareta, isang electric blower, 4 na head light, isang lagare, isang piraso na hand held radio, isang sako na may lamang mineral oe, 2 piraso ng improvised container na ginamit sa panghahakot ng hinukay na lupa mula sa tunnel at isang extension na electrical wire na may haba na 15 metros, at ang lahat ay tinatayang nagkakahalaga ng dalawampung libong piso (P20,000.00).


Ang mga suspek at ang nakumpiskang mga kagamitan sa pagmimina ay dinala sa Magdiwang MPS para sa kaukulang disposisyon.


Kasong paglabag sa Section 102 ng R.A. 7076 (People’s Small-Scale Mining Act of 1991) ang inihahanda ng Magdiwang MPS na isasampa sa Tanggapan ng Piskalya laban sa mga nasabing suspek. (Tony Minano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.