• Tony Miñano Macalisang

ABS CBN wala nang karapatan na mabigyan ng renewal – Cong. Madrona


Ipinaliwanag ni Congressman Eleandro Madrona, ng lone district ng Romblon, ang kanyang naging posisyon sa ginanap na botohan tungkol sa aplikasyon ng bagong prangkisa ng ABS CBN nitong Hulyo 10, 2020 kung saan ay binasura ng mga miyembro ng House Committee on Legislative Franchise ang renewal ng prangkisa ng nasabing estasyon.


Ayon kay Congressman Madrona, sa kanyang facebook page, wala na umanong karapatan ang naturang broadcast media company na erenew ang kanilang prangkisa dahil umano sa mga ginawang paglabag nito sa mga kasunduan at kondisyon ng kanilang prangkisa.


“As proven during our several hearings, ABS CBN blatantly violated the terms and conditions of their Franchise, hence, to me, they are not anymore entitled to renewal!” ayon kay Congressman Madrona.


Aniya pa ang prangkisa na ibinibigay ng batas ay hindi karapatan kundi prebiliheyo at ito ay may sinusunod na patakaran at kondisyon.


Tungkol naman sa mga hindi sang-ayon sa kanyang pagboto na pagsibak sa inihaing aplikasyon ng prangkisa ng ABS CBN, sinabi ni Madrona na kung narinig at nakita lamang umano nila ang mga paglabag nito sa prangkisa ay tiyak makukumbinsi umano ang mga ito na tama ang kanyang ginawang pagboto.


“With all due respect to those negative comments, I am sure they would be convinced that I voted correctly had they heard and seen the documented violations of the Franchise by ABS CBN,” ayon pa kay Conng. Madrona.


Aniya pa ni Madrona, totoo umano na naipalabas sa TV ng nasabing higanteng broadcast media ang lalawigan ng Romblon ngunit di umano ito sapat na dahilan para ibalewala ang kanilang paglabag sa kanilang prangkisa.

“True, our province may had been featured in their channel, but that cannot overcome the fact that they violated their Franchise!,” ang huling pahayag ni Congressman Madrona.


Maalala na nitong Biyernes, pinaburan ng 70 kongresista ang rekomendasyon ng Technical Working Group (TWG) sa House Committee on Legislative Franchise na tuldukan ang aplikasyon ng ABS CBN Corp na makapagpatuloy ng operasyon sa ilalim ng bagong prangkisa. (Tony M. Macalisang/Romblon Sun Online)


Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.