• Tony Miñano Macalisang

Aksidente ng motorsiklo at SUV sa Odiongan, driver parehong nasaktan



ODIONGAN, Romblon – Dalawang sasakyan ang naaksidente noong 9:00 ng gabi ng Agosto 16, 2020 sa Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon.


Ang nasangkot na mga sasakyan ay isang kulay pula at itim na motorsiklong Suzuki Rouser 135 na minamaneho ni Jeyoupee Sim Ferrer, 27 taong gulang, single, empleyado ng Philippines Science High School, residente ng Barangay Tanagan, San Andres, Romblon at isang kulay puti na Toyota Fortuner na minamaneho naman ni Pius Martinez Pador, 29 taong gulang, single, negosyante at residente ng Alcantara, Romblon.


Base sa ginawang imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS) napag-alaman na sa nasabing oras, petsa at lugar, binabaybay ng sasakyang Toyota Fortuner na dala ni Pador, ang national road sa Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon mula sa Poblacion ng Odiongan papunta sa direksyon ng bayan ng San Andres, Romblon at noong dumating sa bahaging kurbadang kalsada malapit sa Harbour Chateau ay nawalan ito ng kontrol sa sasakyan at gumawi sa kabilang linya na naging dahilan na mabangga ang dumadaan na motorsiklo na minamaneho ni Ferrera. Dahil sa nasabing pangyayari parehong nagkaroon ng pinsala ang dalawang sasakyan.


Ang may dala ng motorsiklo na si Ferrera ay nagtamo ng sugat sa ulo at katawan, samantalang ang drayber ng SUV na si Pador ay bahagyang nasugatan sa iba’t-ibang bahagi ng katawan kung saan ay isinugod ang mga ito ng rumesponding kapulisan ng Odiongan MPS sa Romblon Provincial Hospital sa bayan ng Odiongan, Romblon para malapatan ng agarang lunas.


Ang mga sasakyang sangkot ay dinala ng mga tauhan ng Odiongan MPS sa kanilang himpilan para sa kaukulang imbestigasyon. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.