• Tony Miñano Macalisang

Anak na babae sinuntok at sinaksak ng gunting ng sariling ama sa bayan ng Santa Fe


SANTA FE, Romblon – Sinuntok ng ama ang kanyang anak na babae sa mukha at sinaksak ng gunting sa kamay kahapon ng umaga, Agosto 9, 2020 sa Sitio Manamok, Barangay Guinbirayan, Santa Fe, Romblon.


Kinilala ng pulisya ang biktima na si Jean Rose Tonic Casimero, 18 taong gulang, dalaga, at ang itinuturong suspek ay ang ama ng biktima na si Jupiter Galan Casimero, 39 taong gulang, may-asawa, bangkero, at kapwa nakatira sa Sitio Manamok, Barangay Guinbirayan, Santa Fe, Romblon.


Sa isinagawang imbestigasyon ng mga tauhan ng Santa Fe Municipal Police Station (SMPS), napag-alaman na ang biktima ay sinaktan ng suspek na ama ng biktima.


Sa pagtatapat ng dalaga sa pulisya, nagalit umano ang kanyang ama noong umalis siya ng bahay na hindi nagpaalam at gabi na ng umuwi nitong Agosto 8, 2020.  Kinabukasan ng umaga habang ang biktima ay nakaupo sa upuan sa loob ng bahay ni Eli Caunca na kanilang kalugar ay dumating ang kanyang ama at kinompronta siya nito hanggang sa ginupit ang kanyang buhok. Sinadya ring sinuntok ng dalawang beses ang biktima sa mukha at sinaksak ang dalawang kamay ng dalaga gamit ang gunting.


Ang nasabing insidente ay nasaksihan  umano ng tiyuhin ng biktima  na kinilalang si Elwin C. Tonic, 29 taong gulang, binata at residente rin ng Sitio Manamok, Brgy Guinbirayan, Santa Fe, Romblon.


Dinala ang biktima sa hospital para masuri ang kanyang kalagayan at malapatan ng lunas habang ang ama nitong suspek ay inaresto at inilagay sa kustodiya ng Santa MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)   

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.