• Tony Miñano Macalisang

Anak na tumulong sa amang may kasuntukan, nasaksak ng kalaban gamit ang tari


MAGDIWANG, Romblon – Isang estudyante ang nasaksak ng kaaway ng kanyang ama kahapon ng 5:30 ng hapon, Setyembre 20, 2020 sa Barangay Dulangan, Magdiwang, Romblon.


Kinilala ng pulisya ang biktima na si Gerald Ropero Rocero, 18 taong gulang, binata, estudyante at ang itinuturong suspek ay napag-alaman na si Berning Rodeo Mago, 49 taong gulang, walang asawa, magsasaka at parehong residente ng Barangay Dulangan, Magdiwang, Romblon.


Ayon sa ulat ng Magdiwang Municipal Police Station, pauwi na umano ang nakainom ng alak na suspek sa oras na iyon at habang napadaan sa bahay ng biktima ay nakaengkwentro umano ng suspek ang tatay ng biktima na si Isidro Ramilo Rocero kung saan ay may dating alitan umano ang dalawa.


Kinumpronta ng suspek si Isidro Rocero tungkol sa kanilang hidwaan na natuloy sa pagsuntukan ng dalawa. At habang nagsusuntukan umano ang dalawa ay tinulungan ng biktima ang kanyang ama at sa puntong ito bumunot umano ng matalas na tari ang suspek at isinaksak sa biktima na tinamaan sa itaas ng kanang bahagi ng katawan.


Agad namang dinala ang biktima sa Magdiwang Rural Health Unit para malapatan ng agarang lunas at kalaunan ay inilipat ito sa Sibuyan District Hospital para sa karagdagang pagsusuri sa tinamong sugat dala ng pananaksak ng suspek gamit ang tari.


Samantala, naaresto naman ng nagresponding mga tauhan ng Magdiwang MPS ang suspek sa ginawang follow-up operation ngunit ang ginamit na armas ng suspek ay hindi na narekober.


Kasong Frustrated Homicide ang inihahanda ng Magdiwang MPS na isasampa laban sa suspek sa Provincial Prosecutor’s Office. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.