• Tony Miñano Macalisang

ANG PANGAMBA SA COVID 19



Habang sa kasalukuyan ay patuloy ang pagkalat ng sakit na 2019 novel coronavirus o covid-19 na sinasabing nagsimula sa bansang China particular sa siyudad ng Wuhan na sakop ng probinsya ng Hubie. Ayon nga sa ulat ay mahigit isang libo na umano ang namatay sa China at halos nasa 20,000 na rin ang tinamaan ng sakit na ito. Katunayan ay nagpagawa ng bagong ospital ang pamahalaan ng China na kanilang tinapos lamang sa maikling panahon upang paglagyan ng kanilang mga pasyente na patuloy na lumolobo ang biktima araw-araw. Wala pa kasi nadiskubreng gamot o solusyon upang mapigilan ang pagkalat nito.


Kung ang ipinapalabas sa media ay umaabot na mahigit isang libo lang ang namatay sa nasabing virus, aba'y baka sa katotohanan ay mas malaki pa ang bilang nito dahil ayaw rin ng kanilang gobyerno na mabulgar kung ilan nga talaga ang totoong nagkakasakit dahil sige pa pagdami ng mga tinamaan ng virus at mabilis na makahawa sa iba.


Halos nakaikot na ang coronavirus na ito sa 21 na bansa kung saan ay hindi agad malalaman ng isang tao kung may dala itong virus sa katawan at kailangan pang obserbahan ng humigit kumulang sa dalawang linggo.


Masama rin ang resulta virus sa ekonomiya ng bansang China partikular sa larangan ng industriya ng turismo. Pinutol o pinagbawal na ng gobyerno ang pagbiyahe papunta at palabas ng China. At gaunun din sa ibang bansa kung saan ay hindi rin pinapayagan na makapasok ang mga tao sa kanilang lugar kung ito ay may kasaysayan na bumiyahe sa bansang China. Kahit nga ang pagpunta at nanggaling sa Hongkong at Macau ay pinagbawalan na rin. Masasabi natin na isolated ngayon ang China at matindi ang takot ng karamihan sa mga nagmula sa nasabing bansa kahit sabihin pa na wala itong dalang sakit.


Kahit dito sa Pilipinas ay ganun din ang nangyari. Bagsak ang industriya ng turismo dahil sa takot sa sakit na ito. Wala nang direktang biyahe ang Kalibo sa bansang China. Kaya malaking kawalan ito para sa mga resort at hotel na dinadagsa ng mga turistang Tsino. Kasama rin sa nawalan ng customer ang mga restaurant, bar, at mga kainan. Halos ganun din ang nangyari sa ibang bansa. Hindi na sila tumatanggap ng turista na nagmula sa China.


Ang alam ko lang na magandang negosyo na kumikita ngayon ay ang “facemask”. Nagkakaubusan ng facemask sa mga drugstores at tindahan simula pa noong nag alburoto ang bulkang Taal sa Batangas na marami ang nangangailangan ng pantakip sa mukha. At sa paglaganap ngayon ng covid-19 ay lalong nagmahal at halos wala nang mabilhan ng facemask.


Hindi naman natin masisisi ang mga tao dahil usaping pangkalusugan nga naman ito. Mahirap ang magkasakit dito sa ating bayan o bansa. Kung ang isang bansa na katulad ng China na mas abante pa ang teknolohiya kaysa atin ay hirap na makontrol ang nasabing virus tayo pa kaya na isang mahirap daw na bansa? Seryosong usapin na kasi ito at ang ating mga kababayan ay natatakot na mahawaan ng nasabing virus kasi nga nakamamatay ito. Wala naman siguro na gustong mamatay agad dahil sa nCov. At marami ang may gusto na mabuhay ng matagal kasi may pabuya ang gobyerno na pag umabot ang edad ng isang tao ng isang daang taon ay may isang daang libong pisong matatanggap. Kaya pa kayang abutin ang ganung edad?


Ang bilin ng DOH para makaiwas sa nasabing virus ay ugaliin ang maging malinis sa katawan. Huwag makipaghalubilo sa mga nakikita mong may sakit. Laging maghugas ng kamay, gumamit ng sabon. Pwede rin na magpunas ng alcohol upang mamatay ang mikrobyo. Kumain ng mga prutas na masagana sa Vit. C. Gawing malakas ang restensya para hindi agad mahawaan ng sakit. Magdasal ay mamalagi sa bahay. Keep safe mga kababayan!!

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.