ANG TUNAY NA PASAWAY


Mayroon sanang ginagawang kwento. At ang kwentong ito ay para sa inyo. Bakit ka ninyo?


Mahigit apat na buwan na kasi kayong nakakwarantin, ang pinakamahaba sa buong mundo. Nang lumagapak ang ekonomiya at maubusan ng ayuda ay hindi nakatiis ang Palasyo. Mula ECQ ay nag-GCQ. Binuksan ang ekonomiya. Balik trabaho ang may babalikan pang trabaho, gaano man kapeligroso.


Pero dahil mahina pa rin ang kapasidad ng bansa sa mass testing at contact tracing, ang inaasahang pagbaba ng kaso ng COVID-19 ay hindi nakamit. Lalong tumaas at lumawak pa ang kalat nito sa buong Pilipinas. Mula sa NCR ay napunta ang epicenter sa Cebu. At mula sa naipanalong laban ni Roque sa UP ay halos madoble na ang kaso mula sa 40,000 na pustahan.


And here comes the SONA. Sa darating na Lunes, Hulyo 27, ay State of the Nation Address na ng Pangulong Duterte. Panglima na niya ito at second to his last na mangyayari sa Hulyo 2021. Tiyak COVID pa rin ang magiging mayor na paksa. Wala kasing mapapala kung ikukwento nya lang ang mga nangyari sa nakalipas na apat na taon dahil lalo lang siyang mapapahiya. Hindi na rin kwento ang interes ng masa sa panahon ng pademya.


Kaya hindi na drugs. Hindi na korapsyon. Hindi na endo. Hindi na sweldo. Hindi na tapang sa harap ng dayuhan ang kanyang papaksain sa SONA. Gasgas na kasi ang mga linyang ito dahil bigo naman ito sa nakalipas na apat na taon. Kailangang maghanap ng bago. At ito na nga sana ang binubong kwento. Ang naratibo ng pasaway.


Pasaway na terorista. Pasaway na komunista. Pasaway na aktibista. Pasaway na human rights. Mas malamang marami sa inyo ay hindi kikibo sa linyadang ito dahil mula pa 2016, kung kanino galit ang Pangulo ay galit na rin kayo. Di nga kayo kumibo kundi’y pumalakpak pa sa libu-libong namatay sa war on drugs. At malamang hindi rin kayo kikibo kung sabihin ng Pangulo na may tatlong milyong ‘terorista’ sa Pilipinas na kailangang patayin.


Ngunit paano kung kayo na mismo ang tawaging pasaway? Paano kung ang naratibo ng Palasyo sa kapalpakan ng gubyerno sa pagharap sa krisis sa COVID, pagbagsak ng ekonomiya, at pagkawala ang 7 milyong trabaho ang dapat sisihin ay hindi sila kundi kayo? Dahil kayo ang pasaway. Dahil hindi kayo sumusunod sa batas. Puro kayo pasaway.


Mabuti na lamang at may inilabas na pag-aaral ang Asian Development Bank na nagsasabing hindi naging pasaway ang mga Pilipino. Na ang mga Pilipino ay pangalawa sa pinaka-compliant sa rules sa 24 na bansa sa Asya Pasipiko na sinuri ng ADB sa panahon ng lockdown. Na kahit maraming dahilan para lumabas ay pinigil ng mga Pinoy ang 63% ng kanilang mobility. Samakatwid, binasag ng ADB ang ginagawang kwento ng pasaway na mga Pilipino.


Ngayon. Kung ang kahulugan pala ng pasaway ay ang hindi pagiging masunurin, hindi nga papasa ang pasaway na naratibo dahil hindi ganito ang masang Pinoy. Hindi ganito ang manggagawa, kaya nga nasusunod lahat ng utos ni boss kahit endo ka lang at wala sa minimum. At nang maglockdown, tumigil ka rin sa bahay kahit no work-no pay.


Hindi rin ang magsasaka at mangingisda dahil nagtatrabaho nga ang mga ito kahit walang nag-uutos. Hindi rin si titser dahil inuuwi pa nga niya ang trabaho sa bahay at mag-aaral pa ngayong mag-onlayn. Mas lalong hindi si nars dahil inaalagaan nga niya ang pasyente kahit hindi niya kaanu-ano sa buhay.


Eh, si mamang tsuper? Naku, huwag maging bias dahil naging eksperto na iyan sa kaiiwas matikitan dahil isang kotong cop lang ay ubos ang kita niya sa isang araw. Hindi naman sila hinuli noong lockdown dahil hindi naman pinabyahe. Pero kahit tingnan sa maraming krimen na nangyayari sa kalsada, hindi sila kundi naka-potpot na may baril at ubod ng yabang ang laging nahihedlayn.


Kung ganito ang totoo, mas aangkop ang naratibong pasaway sa mga tao lamang na totoong pasaway. At makikita natin na marami sa kanila ay nasa kapangyihan. VIP senator na hindi PUI. Mañanito hindi tambay. Peborit troll na ikot ng ikot, hindi titser at istudyanteng pasaway sa peysbuk.


Eh, ang sumuway sa sariling pangako na tapusin ang endo, hubaran ng salwal ang endolords, at tanggalin ang provincial rate para maitaas ang sweldo ng manggagawa? Paano ang nang-ismol noong una sa COVID, inarbor ang kapalpakan ni Duque at ginawang army platoon ang IATF, hindi ba’t sya ay maituturing din na malaking pasaway?

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.