Bagong salta na LSI sa Odiongan nagpositibo sa Rapid Testing




ODIONGAN, Romblon – Isang bagong dating na locally stranded individual (LSI) ang nagpositibo sa isinagawang rapid testing sa mga dumating na pasahero ng barko kaninang umaga sa pier ng Odiongan, ayon kay Mayor Trina Firmalo-Fabic.


“Ipinabatid ko po sa inyo na kanina ay may nagpositive sa rapid testing na isinagawa sa pier na isang bagong dating na locally stranded individual,” ayon kay Mayor Fabic.


Ang nasabing LSI na taga Odiongan ay dinala na umano sa isolation facility sa Municipal Evacuation Center sa Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon at magsasailalim pa ito sa confirmatory swab test ngayong araw at pagkatapos ay dadalhin ang sinagawang swab sample sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Maynila kung saan ay maghihintay pa ng 4 hanggang pitong (7) araw bago malaman ang resulta.


Napag-alaman na ang naturang LSI ay asymptomatic o hindi nakitaan ng sintomas.


Samantala, ang lahat na nakasalamuha ng suspek na pasahero sa barko ay inilagay na rin sa quarantine.


Ayon kay Mayor Trina Fabic ang Med Tech na nagsagawa ng Rapid Test ay naka protective personal equipment (PPE) pati na ang drayber ng sasakyan na naghatid sa SLI sa isolation facility.


“Ang ating Med Tech na nagconduct ng Rapid Test ay naka PPE/protective personal equipment, gayundin ang driver na nagdala sa LSI sa facility,” ayon kay Mayor Fabic.


Palaala ni Mayor Trina sa publiko na huwag mag-alala at sa halip ay ipanalangin na maging negatibo ang resulta ng swab test sa nasabing suspek na LSI at ginagawa na rin umano ng LGU Odiongan ang pagsunod sa mga patakaran at alituntunin kaugnay sa protocol ng pagharap sa ganitong sitwasyon.


“Huwag po tayong mabahala, at magdasal po tayo na maging negative ang resulta ng swab test. Ginagawa po ng inyong lokal na pamahalaan ang lahat ng pagsunod sa mga health and logistic protocols para ma-manage ang sitwasyon,” ang pahayag ni Mayor Fabic.

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.