• Tony Miñano Macalisang

Bahay sa Romblon pinasok ng ‘di kilalang lalaki, maybahay hinampas ng kahoy


ROMBLON, Romblon – Isang hindi nakilalang lalaki ang pumasok sa bahay ng biktimang babae dakong 7:40 ng gabi ng Agosto 30, 2020 sa Sitio Lusod, Barangay Lonos, Romblon, Romblon.


Kinilala ng pulisya ang may-ari ng bahay na si Jocelyn Arevalo Tolentino, 47 taong gulang, may kinakasama, walang trabaho at residente ng Barangay Lonos, Romblon, Romblon samantalag ang suspek ay isang lalaki na tinatayang may taas na 5’5’’, katamtaman ang pangangatawan, kulot ang buhok, kayumanggi, nakasuot ng itim na pantalon at may dalang itim na sling bag.


Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, habang nanonood umano ng telebisyon ang biktima sa kanyang kuwarto ay may narinig itong ingay mula sa pintuan sa likod ng kanilang bahay. Lumabas umano sa kanilang kuwarto ang biktima upang usisain kung ano ang naturang ingay, at nakita nito ang suspek na may hawak na isang pirasong kahoy kung saan ay bigla na lang umanong hinampas ng suspek ang biktima sa katawan. Agad namang tumakbo ang biktima papunta sa kanyang kinakasama upang humingi ng tulong. Sinamantala naman ito ng suspek at mabilis na tumakas sa hindi alam na direksyon bitbit ang ginamit na pinanghampas na kahoy.


Agad na dinala ang biktima sa Romblon District Hospital (RDH) ng kanyang kinakasama para malapatan ng kaukulang lunas.


Samantala, nagsagawa naman ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Romblon Municipal Police Station (RMPS) para sa ikaaaresto ng suspek at mapanagot ito sa kanyang ginawa na physical injury sa biktima. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.