Balik Probinsya Program, Makakabuti ba sa Ekonomiya at Programa sa Agrikultura?


MATAGAL na itong programa. Nabigyan lang ng pansin ng dahil sa pandemyang COVID. Ano ba talaga ito? Sa simpleng paliwanag, ang programa ay naglalayon na kumbinsihin ang mga mamamayan o pamilya na dating umalis ng kanilang mga probinsiya o bayan at nagsapalaran at naninirahan sa Maynila o mga lugar sa siyudad para maghanap ng trabaho sa mga tinatawag na urban areas. Subalit dahil kulang sa edukasyon o mga kakayahan ay lalong nasadlak sa kahirapan at humantong sa pagiging taga kalkal ng basura, ang iba ay namamalimos, naging palaboy sa mga siyudad sa kalye o pa-extra extra ang trabaho at naghihirap ang pamilya. Marami ang mga ito ay naninirahan sa mga squatter areas. Ang iba ay sa ilalim ng mga tulay, gilid ng ilog at ang pinakagrabe ay walang bahay at sa kariton o mismong sa mga banketa natutulog. Nagiging pasanin sila ng gobiyerno at malaking problema ng DSWD kung paano sila maalagaan lalo na panahong may kalamidad.


Marami sa mga palaboy ay hinuhuli at dinadala sa mga rehabilitation centers o resettlement areas pero kalaunan ay umaalis o lumalayas din sila dahil sa kakulangan ng mga oportunidad at balik ulit sa dating kalagayan.


Kaya naman sa panahong ito ay lalong sumidhi ang hangarin ng gobiyerno na mapaluwag ang masikip na Maynila at karatig na mga siyudad sa papamagitan ng Balik Probinsya Program dahil nagkakahawa-hawa ng COVID. Initiated by no other than the Senator who used the Malasakit Center as his main centerpiece to win in the senate. Senator Go recommended the implementation of the program which received a positive response from the president. Now the program is being tested in the 6 areas to serve as models for the program. Magtagumpay kaya ito? Bakiti sinabay sa panahon ng pandemyang covid?


Kung paano lalabanan ang covid ay napalaking problema ng buong mundo at kasama na ang bansang Pilipinas. Katunayan ang Pilipinas ay pang 38 na pinakamataas ang bilang ng mga kaso ng COVID sa buong daidig. Kung titingnan natin ang programa ay nakakaengganyo talaga. Bakit? Aba, kung bibigyan ng pundo ang isang pamilya halimbawa. Bibigyan ng pamasahe sa bus o sa barko, bibigyan din ng baong pagkain o pera pauwi sa kanilang probinsiya at bibigyan ng puhunan sa gagawing hanapbuhay o negosyo at may naghihintay na bahay o tirahan sa isang lugar sa probinsiya, aba ay malaking ginhawa ito para sa pamilyang isang kahig isang tuka sa Maynila sa ilalim ng tulay. Ika nga ay parang tumama sa lotto ng malaking halaga.


Pero gaano kapulido ang planong programa? Dapat maglaan ng pundo ang national na gobiyerno sa programa at siyempre ang lokal na pamahalaan na tatanggap sa programa ay magbibigay din ng counterpart. Ang tawag dito ay National-Local Government Joint Program. Maglalaan din ng lugar sa human settlement ang LGU. Lalo at wala namang babalikan na sariling lupa ang nasabing pamilya.


Ang malaking katanungan ay ano ang dapat na oportunidad ng pamilya o mga pamilyang nakumbing bumalik sa probinsya? May hanapbuhay bang naghihintay sa kanila? Matutustusan ba ang pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya lalo na ang mga tinatawag na basic needs, food, clothing shelters, health and education? Kung bibigyan naman ng puhunan para makapagpundar ng hanapbuhay ay ano-anong proyekto ang pupuwedeng itayo? Gaano ba kahaba ang panahong gugugulin ng pamilya bago kumita o mapakinabangan ang itatayong negosyo o proyekto bago maging self generating o sustaining ang proyekto at kaya bang kumita at tugunan ang pangangailangan ng pamilya? Dapat ang lugar na pagdadalhan sa kanila ay makumpleto ang mga suportang pasilidad. Dapat may koryente, maayos na inuming tubig, maayos na daan o kalsada at maayos na transportasyong mga pasilidad. Kung ang isang relocation area ay nakalocate sa bagong lugar, gaano katagal bago makumplito ang mga pasilidad na ito? Hindi ito sa isang kisapmata ay magagawa ng gobiyerno. Hindi naman magic yan na sa kumpas ng kamay ay ABRI KADABRA, PRESTO, ITO NA. Kung hindi mangyayari ang inaasahan ng mga tao ay siguradong balik Maynila ang mga ito. Baka naman matulad sa kantang kastilyong buhangin na sa isang hampas ng alon ay guguho ito. Baka maging katulad lang ito ng mga Malasakit Centers.

Pangalawang tanong ay bakit isinabay sa panahon ng pandemyang COBID binuksan ang programa? Resulta tuloy ay sala-salabat ang mga plano at hindi napaghahandaang masyado. Dahil sa hirap na dinadanas ng ating mga kababayan ay isa-isa o marami talaga ang makukumbinsi dito. Kung maari sana ay palagpasin muna itong COVID bago ipatupad ang balik probisiya program. Pampagulo pa ito sa ngayon na nakakaranas ang bansa ng hirap lalo na sa pinansyal na aspeto kung paano matutugunan ang mga problema ng mga mamamayan na mga dislocated dahil sa kaguluhan. Nagsara ang mga negosyo at nawalan ng trabaho ang karamihan. Mahirap ang mga sasakyan at maraming dokumento ang kailangan bago makabiyahe ang mga tao.


Sa ngayon ay pataas pa ang kaso ng positibo at nagkakasakit at namamatay sanhi ng COVID. Mataas pa din ang tsansa ng kontaminasyon at hawahan nito sa mga tao. At maaaring yong mga balik probinsyang grupo ay mahawa at magdala pa ng sakit sa kanilang lilipatan o babalikang lugar partikular sa kanilang makakasalamuhang kakilala, kaibigan o kamag-anak. Dahil excited sila sa kanilang pagdating ay hindi maiiwasan na magsama-sama at makakalimutan ang social distancing na posibleng mangyayari.


Ano ang implikasyon sa ekononomiya at agricultural production nito? Ang tanong. Kung sa agricultural area sila mapapadpad, magtratrabaho ba ang mga ito? Kasi nasanay silang magaan ang trabaho sa siyudad. Kaunting galaw lang, may pera sila sa pagkalkal ng basura, ilahad lang ang mga kamay, kasama ng ibang maliliit na bata may naglilimos na sa kanila. Samantalang dito sa probinsiya, magbubungkal at magtanim ka ng kamote, aabot ng dalawang buwan bago makunan ng talbos. Ang palay ay halos apat na buwan simula sa paghanda ng lupa bago maani at mapakinabangan. Ang balinghoy at kamote ay halos apat na buwan bago mapakinabangan ang lamang ugat pero malillit pa ito at bahagya lang ang mga maaani. Dahil ang balinghoy ay nagmamature sa 6-8 buwan. Ano ang kakainin ng pamilyang balik probinsiya? Sasanayin pa ang mga pamilya bago matuto ng makabagong pagsasaka. Ibebenta pa nila sa palengke ang kanilang ani bago maging pera ang talbos ng kangkong, kamote o alugbati. Eh, paano sila makabibili, ng asukal, asin, kape, toothpaste, ulam o bigas habang walang pang ani na ibebenta?


Kaya bang magbukas ng mga pabrika at mga ibat-ibang pagawaan sa kanilang babalikang probinsya? May nakahanda na bang hanapbuhay na pagkikitaan kaagad ang mga pamilya na babalik sa probinsya? Kung itong mga ito ay bibigyan ng puhunan na gagamitin sa negosyo, may tubo ba ang pautang at babayaran din ba? Siguradong malulubog sa utang ang mga ito.


Kung ang lahat na ito ay hindi mangyayari at maibibigay sa kanila, asahan ninyo wala pang isang taon o baka buwan lang, nasa bangketa ulit sa Maynila ang pamilya. Sana ipagdasal natin na nawa magtagumpay ang programa na ang tawag sa Asi ay “RALI-RALI, RAGLI O HINARAS-HARAS.”


Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.