• Tony Miñano Macalisang

Banggaan ng motorsiklo sa Odiongan, tatlo sugatan


ODIONGAN, Romblon – Parehong sugatan ang dalawang nagmamaneho ng motorsiklo at isang angkas matapos na aksidenteng magbanggaan sa bahaging kurbada sa Barangay Mayha, Odiongan, Romblon dakong 6:30 ng hapon nitong nakalipas na araw.


Ayon sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), galing sa barangay Rizal, Odiongan, Romblon ang motorsiklong Honda XRM 125 na minamaneho ni Micah Faith Gadon Gonzales, 21 taong gulang, estudyante, dalaga at ang angkas nitong si Richelle Gabayno Gadon, 20 taong gulang, dalaga, estudyante, at parehong nakatira sa Barangay Rizal, Odiongan, Romblon at patungo sa Poblacion ng Odiongan habang ang isang motorsiklong Euro motor 100 na minamaneho ni Kenneth Fajutagana Famisan, 30 taong gulang, construction worker na residente ng Barangay Bangon, Odiongan, Romblon ay mabilis na binabaybay ang kabilang linya at pagsapit sa kurbadang bahagi ng kalsada ay nawalan ito ng kontrol sa minamanehong motorsiklo at lumihis sa kabilang linya kung saan ay aksidenteng nasalpok nito ang kasalubong na motorsiklo na sinasakyan nina Gonzales at Gadon.


Dahil sa pangyayari ay parehong tumilapon sa kalsada ang dalawang may dala ng sasakyan at ang angkas na nagtamo ng mga sugat at galos sa iba’t-ibang parte ng katawan.


Agad namang dinala sa Romblon Provincial Hospital ng mga nagresponding tauhan ng Odiongan MPS ang mga biktima para malapatan ng kaukulang lunas.


Dinala naman sa himpilan ng Odiongan MPS ang mga sangkot na sasakyan para sa kaukulang imbestigasyon. (Tony M. Macalisang/ Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.