• Tony Miñano Macalisang

BARANGAY PAROYHOG, SANTA MARIA, ROMBLON ISINAILALIM SA LOCKDOWN


SANTA MARIA, Romblon – Inilagay ng pamunuan ng Santa Maria LGU ang Barangay Paroyhog sa lockdown kahapon, Agosto 29, 2020 matapos na magpositibo sa COVID-19 and dalawang LSI na umuwi nitong Agosto 20 sa kanilang bayan.


Mahigpit ngayong binabantayan ng mga tauhan ng Santa Maria Municipal Police Station at ng mga opisyal ng Barangay Paroyhog ang pagpasok at paglabas ng mga residente sa nasabing barangay.


Ayon sa pamunuan ng LGU Santa Maria huwag daw mabahala at naghahanda na umano ang lokal na pamahalaan ng mga relief goods na kanilang ipamigay sa mga residente ng nasabing barangay na naipit dahil sa pagdeklara ng lockdown.


“Ang Barangay Paroyhog ay kasalukuyan pong under lockdown, at kasama po ang ating kapulisan at mga Barangay Officials na siyang magbabantay dito. Ang ating lokal na pamahalaan ay naghahanda din para magbigay ng relief goods sa nasabing barangay,” ayon sa LGU Santa Maria.


Matatandaan na ang dalawang nagpositibo sa COVID-19 ay kabilang sa apat na magkapamilya na dumating sa pier ng Odiongan na isang babaeng 46 na taong gulang at isang anim na buwang sanggol na lalaki at parehong residente ng Barangay Paroyhog, Santa Maria, Romblon.


Sa kasalukuyan ay nasa isang isolation facility umano ang dalawa at nasa maayos na kalagayan.


Ayon sa Rural Health Unit (RHU) ng Santa Maria, naisagawa na rin umano nila ang contact tracing ng mga taong nakasabay ng magkapamilya sa sinakyang barko na Montenegro noong Agosto 19, 2020 at kasabay na rin na isinailalim sa swab test ang mga ito.


“Kasalukuyan na pong isinasagawa ng Rural Health Unit (RHU) ang contact tracing ng mga taong nakasabay sa barkong Montenegro noong Agosto 19, 2020 at lahat ng close contacts po ng mga LSI ay isasailalim din po namin sa swab test. Sa ngayon maayos po ang kondisyon ng dalawang LSI natin,” ayon sa Santa Maria RHU.


Pinapaalaala ng LGU Santa Maria sa kanilang mga residente na huwag mabahala at magpakalat ng fake news. Dagdag pa nila na ipagpatuloy ang pagsunod sa mga health protocols at ugaliin ang pagsusuot ng face mask, at face shield.


Anila pa, “Stay at home, strengthen your immune system and be safe.” (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.