• Tony Miñano Macalisang

Barangay San Isidro, Alcantara, Romblon Naka Lockdown, Pagtanggap ng ROFs at LSIs Suspendido Muna


ALCANTARA, Romblon – Base sa Executive Order No. 24 series of 2020 na inilabas ni Mayor Riza Galicia Pamorada, inilagay sa agarang lockdown ang Barangay San Isidro, Alcantara, Romblon simula alas 9:00 ng gabi ng Hulyo 12, 2020.

Ang nasabing aksyon ay base sa kaso ng isang buwan na sanggol na LSI na nagpositibo sa PT-PCR test kung saan ito ay naadmit sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital (DMFSMH) noong Hulyo 7, 2020 at dinala sa National Children’s Hospital pagkaraan ng tatlong araw at nitong Hulyo 12, 2020 ay natanggap ang resulta ng kompirmasyon ng LSI na positibo sa covid-19.

Ang mga residente ng Barangay Isidro, Alcantara ay pansamantalang hindi muna makalabas ng kanilang barangay at tanging mga opisyales ng barangay, Brgy. tanods at BHERTS lamang ang mag-iikot sa kanilang lugar upang kumuha at maghatid ng kanilang pangangailangan.

Katuwang rin ng LGU Alcantara ang kapulisan upang muling buhayin ang Barangay Quarantine Checkpoint at ipatupad ang Quarantine Pass protocol araw at gabi sa boundary o hangganan ng Brgy Isidro.

Dahil rin sa nasabing pangyayari ay agad nagsagawa ng contact tracing ang LGU Alcantara katuwang ang RHU –Alcantara sa mga maaring nakasalamuha ng mag-inang SLI at ng tagapag-alaga ng sanggol na ngayon ay nagpapagaling sa NCH sa Maynila.

Sa kaugnay na balita, ipinautos rin ni Mayor Pamorada base sa rekomendasyon ng Alcantara Municipal Inter Agency Task Force (MIATF) ang pansamantalang pagsuspendi sa pagtanggap ng Returning Overseas Filipinos (ROFs) at Locally Stranded Individual (LSI) papunta sa bayan ng Alcantara para maiwasan ang maaring pagkalat at pagkahawa ng coronavirus sa nasabing bayan.

Ayon sa LGU Alcantara, pansamantala lamang umano ito habang inaantay ang resulta ng RT-PCR ng napasama sa contact tracing.

Kanilang hinihingi ang pang-unawa ng lahat dahil hindi ito madali, kailangan lamang ang sariling-disiplina at kooperasyon na siyang umanong mahalaga sa panahong ito. (Tony Mñano Macalisang / Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.