• Romblon Sun

Bata sa Cajidiocan nasagasaan ng drayber ng punenarya, patay


CAJIDIOCAN, Romblon – Isang grade 1 pupil na bata ang aksidenteng nasagasaan ng drayber ng punenarya sa Barangay Sugod, Cajidiocan, Romblon kahapon ng 5:30 ng hapon, Pebrero 21, 2021.


Ang biktima ay nakilalang si John Floyd Marcelo Francisco, 6 na taong gulang, Grade 1 pupil ng Cajidiocan Elementary School at residente ng Barangay Sugod, Cajidiocan, Romblon, habang ang suspek na nakabundol sa biktima ay kinilala na si Aldrin Rabino Rollon, 22, binata, drayber ng Enrico Rotoni Funeral Homes at residente ng Barangay Gutivan, Cajidiocan, Romblon.


Sa imbestigasyon na ginawa ng Cajidiocan Municipal Police Station (CMPS), binabaybay umano ng suspek ang kahabaan ng national road ng Barangay Gutivan, Cajidiocan, Romblon papuntang poblacion ng Cajidiocan, sakay ng kulay itim na motorsiklong Kawasaki 175 at noong pagsapit sa Barangay Sugod ng nasabing munisipyo ay bigla umanong tumawid ang biktima na kung saan ay aksidenteng nabangga ng suspek ang bata na tumilapon sa kalsada at nawalan ng malay.


Agad namang isinugod ang dalawa sa Sibuyan District Hospital sa nasabing bayan para malapatan ng agarang lunas. Sa kasamaang palad, dakong 7:30 ng gabi ng dineklara ng nag-asikasong doctor na pumanaw na ang biktima.


Dinala naman sa Cajidiocan MPS ang motorsiklo na sangkot sa naturang aksidente para sa kaukulang disposisyon. (Romblon Sun Online)

ADVERTISE WITH US!.png