• Romblon Sun

Batang babae na tumawid sa kalsada nahagip ng motorsiklo sa bayan ng Odiongan, Romblon


ODIONGAN, Romblon – Nabundol ng dumaang motorsiklo ang isang anim na taong gulang na batang babae na tumawid sa kalsada dakong 6:40 ng hapon ng Pebrero 23, 2021 sa Barangay Rizal, Odiongan, Romblon.


Ang biktima na nakilala na si Charlee Flores Benitez, 6 taong gulang, pupil, babae at nakatira sa Barangay Rizal, Odiongan, Romblon habang ang itinuturong drayber ng motorsiklong nakasagasa sa biktima ay kinilalang si Richard Sayat Perez, 49, may-asawa, drayber ng St. Pius Construction at residente ng Barangay Budiong, Odiongan, Romblon.


Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), mabilis umanong binabaybay ni Perez ang national road sa Barangay Rizal, Odiongan, Romblon papunta ng Poblacion ng Odiongan sakay ng kulay pula na motorsiklong Honda Zoomer X na nakarehistro kay Lawrence Pius Pador, at ng pagsapit sa nasabing lugar sa Barangay Rizal ay hindi nito napansin ang biglang tumawid na bata at aksidente nitong nabundol ang biktima.


Dahil sa naturang pangyayari ay nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima habang bahagya namang nagalusan ang drayber.


Kapwa isinugod sa Romblon Provincial Hospital (RPH) ang dalawa ng nagresponding mga tauhan ng Odiongan MPS para malapatan ang agarang lunas.


Dinala naman sa himpilan ng Odiongan MPS ang sangkot sa aksidente na motorsiklong Honda Zoomer X.. (Romblon Sun Online)


Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.