• Tony Miñano Macalisang

Binatang nabigo sa pag-ibig sa Alcantara (Romblon) nagsaksak sa tiyan


ALCANTARA, Romblon – Isang binata na may problema sa pag-iisip ang nagsaksak sa kanyang sarili kahapon ng gabi sa Barangay Poblacion, Alcantara, Romblon.


Ayon sa ulat ng Alcantara Municipal Police Station, dakong 9:30 ng gabi pumunta umano sa kanilang himpilan ang kapatid ng biktima na si Lucille para ipagbigay alam na ang kanyang kapatid na biktima na si alyas “Greg”, 41 taong gulang, binata, walang trabaho at residente ng Poblacion, Alcantara, Romblon ay pumunta sa bahay ng kanilang nakakatandang kapatid na si Bell at nakakaalarma umano ang kinikilos ng biktima. Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Alcantara MPS at pagdating sa nasabing lugar, kasama ang may-ari, pumasok sa loob ng bahay ang mga awtoridad kasama si Kagawad Leo Gado kung saan ay kanilang nakita ang biktima na nasa lapag ng sahig sa kusina, walang suot na pag-itaas na damit, duguan at may sugat sa tiyan. Nakita rin nila sa naturang lugar ang isang kutsilyo na may haba na 19.5 pulgada at may bakas ng dugo malapit sa katawan ng biktima.


Agad namang isinugod ang biktima sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital sa bayan ng Looc, Romblon para malapatan ng kaukulang lunas.


Sa imbestigasyon ng pulisya, pumasok umano ang biktima sa bahay ng kanyang kapatid na si Bell na walang suot na pang-itaas na damit at napansin nila na kakaiba umano ang kinikilos ng biktima na nagdulot ng pangamba at takot sa kanyang kapatid at sa pamilya nito na naging dahilan para umalis ng kanilang tahanan at humingi ng tulong kay Kagawag Gado na nagpatawag ng pulis.


Napag-alaman na may dating karelasyon ang biktima ngunit nagkahiwalay rin umano at dito nagsimula ang problema sa pag-iisip ng binata at mapapansin na ang kakaibang kinikilos nito simula noong Oktubre 13, na humantong sa pagsaksak sa sarili.


Kasalukuyang nagpapagaling ang biktima sa tinamong sugat at nakalabas na ng hospital. (Tony Miῆano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.