• Tony Miñano Macalisang

Boom truck sumabit sa live wire ng TIELCO, driver nakuryente, patay


CALATRAVA, Romblon – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang driver/operator ng Boom truck matapos na sumabit ang boom tip nito sa secondary service wire ng Tablas Island Electric Cooperative (TIELCO) sa Barangay Balogo, Calatrava, Romblon kahapon ng 9:00 ng umaga, Nobyembre 28, 2020.


Kinilala ang biktima na si Danny Perelonia Poseran, nasa wastong gulang, binata, Boom Truck operator, tubong San Vicente, Oas, Albay at pansamantalang nakatira sa Sitio Lantangan, Barangay Balogo, Calatrava, Romblon.


Napag-alaman sa imbestigasyon sa nasabing oras, petsa at lugar, nakasakay at minamaniobra ng biktima ang boom truck ng Rolco Construction and Development Corp. Incorporated upang magkarga ang mga pre casts sa isang dump truck ng aksidenteng sumabit ang boom tip ng naturang boom truck sa secondary service wire ng TIELCO sa nasabing lugar at naging dahilan para makoryente ang biktima. Sinubukan pang iligtas ng kanyang mga kasamahan ang biktima at ginawa ang lahat na paraan pero nabigo pa rin sila.


Agad namang dinala ang biktima sa San Andres District Hospital para malapatan ng kaukulang lunas ngunit idineklara itong dead on arrival (DOA) ng sumuring manggagamot. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.