BUHAY STRANDED



Sa mga litrato ko na lamang sila tinitingnan. Hindi ko na hanap ang numero. Wala naman kasing tamang bilang kung ilan lahat ang masasabing ‘stranded’ sa Pilipinas. Kaya’t awa at sama ng loob na lamang ang maaring kimkimin sa sinapit nilang kalagayan.


May stranded na OFW o bakasyunistang migrante. Mga seafarers na ilang buwang nasa dagat at ng pauwiin ay sa Manila Bay napadpad. May tinatawag na locally stranded individuals o LSI. At marami ding stranded na di alam na sila ay stranded katulad ng mga manggagawa sa construction na naiwan sa site o sa mga baraks at hindi alam kung ano na ang kanilang lagay. May trabaho pa ba sila o sila’y pauuwiin na dahil wala nang trabaho at wala namang kamag-anak na titirhan sa syudad.


Depende sa turing sa kanila. Pero ang nagtatahi sa kanilang lahat para matawag na stranded ay ang kabiguan na sila ay makauwi sa kanilang dapat uwian, makapunta sa dapat nilang puntahan, o maiwan sa isang lugar na hindi nila permanenteng tirahan. Isipin na lang natin kung anong klaseng buhay mayroon ang isang stranded.


Nagbunga ng napakaraming stranded ang hindi mahusay na pagkakaplano ng lockdown mula pa noong Marso. Karugtong nito ang katakot-takot na sakripisyo sa panig ng mga stranded. Mayroon na ngang namatay. Mga OFW na sa ilalim ng tulay ng NAIA nagpalipas ng ilang araw. Mga pasahero sa mga pantalan na hindi makasakay dahil walang byahe o kaya ay kulang ang mga papeles para payagang bumyahe. O silang nakahanda nang bumyahe pero napurnada dahil pabago-bago ang mga patakaran.


Mga larawan nila ang makakapagsabi ng kanilang kalagayang. Nakikita natin ito sa labas. Pero tiyak na sa likod ng mga larawang ating nakikita ay mas mahapding mga sugat ng karanasan - ng pakikipaglaban sa kapalaran na hindi sadya, sa kalaban na hindi kalaban, sa kaibigan na hindi kaibigan, o sa otoridad na sa harap niya ay walang dalang solusyon kundi’y pawang otoridad.




Sila ang mga stranded. Stranded kaya’t sila ay pakalat-kalat sa kung saan. Umaasang sa susunod na araw ay hindi na sila maging kalat ng kalunsuran. Silang nakikita ng mga matang madaling makakita ng kalat at pasaway dahil hindi sila marunog magkalat. Silang mga stranded na dahil baka posibleng covid-positive ay mandamay sa kanilang uuwian kaya’t pinipigil makauwi ng mga lokal na pamahalaan.


Sila rin ang mga gaya ng taong hinahanapan ni Tito Sotto ng compliance. At mas sila dahil kahit naman may mas bigating litrato ng pasaway sa kanyang harapan ay hindi naman sila ang tinutukoy ng kanyang pakiramdam. Sila ang mga stranded na hindi makaiwas sa mga mapanisi dahil hindi sila makaiwas na kumalat sa lugar na hindi sarili.


Stranded. Dating hindi pero ngayon ay stranded. Dating malapit sa lahat pero ngayon ay nilalayuan. Dating sumasahod pero ngayon ay sagad sa hirap. Dating nagpapanday pero ngayon ay tambay. Dating may diskarte pero hindi na makaikot. Dating tsuper na ngayon ay namamalimos. Dating vendor na naubusan ng puhunan. O dating palamunin na wala nang magpakain.


Sila ba ay kabilang sa bagong listahan ng 7.3 milyon na unemployed at 13 milyon na with jobs but not working? Maaring wala silang identidad ngayon kundi ang tawaging stranded. Ngunit sila’y nanatiling mga kapatid.

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.