• Tony Miñano Macalisang

Bangkay ng lalaki natagpuan na palutang-lutang sa dagat sa San Agustin, Romblon


SAN AGUSTIN, Romblon – Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan ng mga mangingisda na palutang-lutang sa dagat dakong12:40 ng hapon, kahapon, Pebrero 9, 2021, malapit sa dalampasigan ng Barangay Carmen, San Agustin, Romblon.


Kinilala ang biktima na si Rolando Mazo Mallen, 54, walang asawa, manggagawa, nakasuot ng kulay dilaw na t-shirt na may markang “kakasa ka”, maikling pantalon na maong at residente ng Barangay Mahabang Baybay, San Agustin, Romblon.


Ayon sa imbestigasyon ng San Agustin Municipal Police Station (SAMPS), sa nasabing petsa, oras at lugar isang grupo ng mangingisda na pinangunahan ni Rodel Mindo na nagmula sa Barangay Alad, Romblon, Romblon ang unang nakakita sa nasabing palutang-lutang na labi ng biktima sa naturang lugar kung saan ay agad nilang ipinaalam ang naturang pangyayari kay Barangay Chairman Diolito Bautista ng Barangay Carmen, San Agustin, Romblon.


Ang bangkay ng biktima ay kinuha at dinala sa aplaya ng naturang barangay at positibo itong kinilala at kinumpirma ng mga kaanak ng biktima sa pamamagitan ng kanyang suot na damit noong huling makita.


Napag-alaman, dalawang araw na ang nakaraan na nagsabi umano ang biktima sa kanyang kapatid na babae na maliligo ito sa dagat at pagkatapos umano nito ay hindi na nakabalik ang biktima. Sinubukan naman umanong hanapin ng mga kaanak ang biktima ngunit bigo silang makita ito, hanggang sa mabalitaan na lang na nakita ang palutang-lutang na walang buhay na katawan ng biktima sa dagat.


Kumbinsido ang mga kaanak ng biktima na walang naganap na foul play sa nasabing insidente at naniniwala sila na nalunod ang biktima. Wala naman umanong kaaway ang biktima at palakaibigan ito.


Nais ng mga kamag-anak na ilibing agad ang labi ng biktima dahil sa naaanas na umano ang bangkay at hindi na isailalim sa awtopsiya na siyang payo ng pulisya. (Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.