• Tony Miñano Macalisang

Dahil sa aso, lalaki sa bayan ng Odiongan naaksidente sa motorsiklo


ODIONGAN, Romblon – Tumimbuwang sa motorsiklo ang isang lalaki matapos mahagip ang tumatawid na aso sa kalsada sa Sitio Torrel, Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon pasado alas nuwebe (9:05) ng gabi ng Agosto 21, 2020..


Kinilala ni Police Captain Manuel F. Fernandez, Jr., COP ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS) ang biktima na si Gerry Fajutnao Famero, 53 taong gulang, may-asawa, driver at residente ng Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon.


Ayon sa pulisya, binabaybay umano ng biktima ang national road sakay ng kanyang kulay itim na motorsiklong Suzuki Thunder 125 mula sa Barangay Poctoy papuntang Poblacion ng Odiongan at ng pagdating sa bandang intersection malapit sa Rovillos Hospital ay may biglang tumawid na asong gala na ikinagulat ng biktima at nahagip nito ang aso at kung saan ay natumba ang motorsiklo at nasugatan sa ulo ang biktima na naging dahilan para ito ay mawalan ng malay tao.


Agad namang dinaluhan ng mga nakasaksi ang biktima at dinala sa Rovillos Hospital na nasa malapit lamang ng pinagyarihan ng aksidente para mabigyan ng pangunahing lunas.


Samantala, ang motorsiklong sangkot sa nasabing aksidente ay dinala sa himpilan ng Odiongan MPS para sa kaukulang disposisyon. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.