• Tony Miñano Macalisang

Dahil sa halik, binata sa Odiongan tinaga ng ama ng dalaga, naospital


ODIONGAN, Romblon – Isang binata na dumalo sa pagdiriwang ng kaarawan ng anak ng kaibigan ang tinaga ng suspek kahapon ng alas 8:00 ng gabi, Setyembre 6, 2020 sa Sitio Upper, Dapawan, Odiongan, Romblon.


Ang biktima ay nakilalang si John Paul Macatubal Cahilig, 18 taong gulang, binata, estudyante at residente ng Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon, at ang itinuturong suspek ay kinilala na si Rodel Garcia Malunes, 37 taong gulang, may kinakasama, laborer at kabarangay ng biktima.


Sa imbestigasyon ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), pumunta umano ang biktima sa bahay ng kanyang kaibigan na ipinagdiriwang ang kaarawan ng anak nito nang dumating ang suspek kasama ang kanyang anak na menor de edad at pinsan na pawang nakainom ng alak at pumasok umano sa bakuran ng bahay ng kaibigan kung saan ay kinumpronta ng suspek ang biktima na kung bakit hinalikan nito ang anak niyang dalaga, at mabilis na sinunggaban ang biktima sa kuwelyo at sabay bunot ng itak at tinaga sa bandang kaliwang paa ang biktima. Nagpumiglas naman ang biktima at nagawang makawala at tumakbo papalayo sa suspek at humingi ng tulong sa mga kapitbahay na tumawag naman sa himpilan ng Odiongan MPS.


Samantala nagsidatingan na rin ang ilang mga tao sa naturang lugar at pinayapa ang suspek.


Ang biktima ay agad na dinala sa Romblon Provincial Hospital (RPH) para malapatan ng kaukulang lunas ang tinamong sugat sa pagkataga ng suspek.


Inaresto naman ng nagresponding tauhan ng Odiongan MPS ang suspek at dinala sa kanilang estasyon kasama ang ginamit na itak para sa imbestigasyon at kaukulang disposisyon.


Kasong Frustrated Homicide ang inihahandang isampa ng Odiongan MPS laban sa suspek sa Provincial Prosecutor’s Office. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.