• Romblon Sun

Dahil sa kawayan, kapatid tinaga ng kuya sa Santa Maria, Romblon


SANTA MARIA, Romblon – Nataga ng isang lalaking mangingisda ang kanyang nakababatang kapatid dahil sa pagtatalo sa kawayan nitong Pebrero 13, dakong 11:40 ng gabi sa Sitio Agtigbao, Barangay Concepcion Sur, Santa Maria, Romblon.


Kinilala ng Santa Maria Municipal Police Station (SMMPS) ang biktima na si Ric Bantang Gaan, 35, binata, mangingisda habang ang itinuturong suspek ay ang kanyang nakatatandang kapatid na si Roy Bantang Gaan, 41, may-asawa, mangingisda, at parehong residente ng Sitio Agtigbao, Barangay Concepcion Sur, Santa Maria, Romblon.


Sa imbestigasyon ng Santa Maria MPS, dakong 5:00 ng hapon ay dumating umano ang suspek sa kanilang bahay mula sa pangingisda at nakipag-inuman sa kanyang biyenan. Pagsapit ng 9:30 ng gabi ay dumating naman ang nakababatang kapatid ng suspek at kinumpronta ito tungkol sa mga kawayan na ibinenta na walang paalam o pasabi sa biktima na humantong sa mainit na pagtatalo. Nagbanta umano ang biktima sa nakatatandang kapatid na babalik.


Dakong 11:40 ng gabi bumalik ang biktima at tumangkang pumasok sa bahay ng kanyang kuya (suspek). Sa puntong ito, inakala ng suspek na may dalang armas ang kapatid kung kaya’t kanya itong tinaga gamit ang itak na tinamaan sa kanang bahagi ng mukha at likod.


At pagkatapos nito ay tumakbo ang suspek papunta sa kanyang kapitbahay at sinabi na tulungan ang kanyang kapatid na aksidente umano nitong nataga.


Agad namang dinala ng mga kapitbahay ang biktima sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital sa bayan ng Looc, Romblon para malapatan ng agarang lunas habang ang suspek ay inaresto ng nagresponding mga tauhan ng Santa Maria MPS.


Nahaharap sa paglabag sa Article 250 of Revised Penal Code of the Philippines (Frustrated Homicide) ang naturang suspek. (Romblon Sun Online)

ADVERTISE WITH US!.png