• Tony Miñano Macalisang

Dahil sa pag-aawat, pamangkin tinaga ng tiyuhin, sa Santa Fe, Romblon


SANTA FE, Romblon. Tinaga ng kanyang tiyuhin ang kanyang pamangkin na umawat sa pag-aaway nilang magkapatid dakong alas 10:50 kagabi, Oktubre 2, 2020 sa Sitio Cahawagan, Barangay Tabugon, Santa Fe, Romblon.


Kinilala ng mga tauhan ng Santa Fe Municipal Police Station (SFMPS) ang biktima na si Jessie Salvador Ochoa, 30 taong gulang, binata, construction worker samantalang ang suspek na tiyuhin ng biktima ay nakilalang si Jobert Visca Salvador, 42 taong gulang, binata, mangingisda at parehong residente ng Barangay Tabugon, Santa Fe, Romblon.


Ayon sa ginawang imbestigasyon ng mga tauhan ng Santa Fe MPS, dakong 11:30 kagabi, Oktubre 2, 2020 nang dumating ang suspek sa bahay ng kanilang ina na si Alicia Salvador na nakainom ng alak na kung saan ay agad kinumpronta ang kanyang kapatid na si Juan Visca Salvador na nag-iinuman sa sandaling iyon kasama ang kanyang mga kaibigan at kamag-anak at napunta sa mainit na pagtatalo ng magkapatid hanggang sa humantong sa suntukan.


Inawat naman umano ng kanilang pamangkin na si Jessie Orchoa ang dalawa at naitulak nito ang suspek na si Jobert na ikinagalit naman ng tiyuhin.


Umalis umano ang suspek at umuwi sa kanyang bahay at pagkalipas ng ilang sandali ay bumalik ang suspek na may dala nang gulok at tinaga ang pamangkin na tinamaan sa kanang bahagi ng kanyang ulo.


Agad namang dinala ang biktima sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital sa Barangay Punta, Looc, Romblon para malapatan ng agarang lunas.


Kasalukuyang nasa maayos na umanong kalagayan ang biktima habang ang suspek ay nasa kustodiya ng Santa Fe MPS para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.


Narekober rin ng mga awtoridad ang ginamit na gulok ng suspek sa tulong ng isang concerned citizen na ipinagbigay alam sa pulisya dakong 11:20 ng gabi ng nasabing petsa. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.