• Tony Miñano Macalisang

Dahil sa pakipag "break-up" ng nobya, lalaki sa San Fernando, Romblon nagbigti sa puno ng Talisay


SAN FERNANDO, Romblon – Isang binata ang natagpuang nakabitin sa puno ng Talisay sa Barangay Panangcalan, San Fernando, Romblon, kahapon ng 7:30 ng umaga, Disyembre 1, 2020.


Kinilala ang biktima na si Nikko Rivas Rollon, 24 taong gulang, binata, dating delivery boy ng water station at nakatira sa Barangay Panangcalan, San Fernando, Romblon.


Ayon sa ulat ng San Fernando Municipal Police Station (SFMPS) maliligo umano ang tiyuhin ng biktima na si Gilbert R. Rollon ng matagpuan nito ang wala nang buhay na biktima na nakabitin sa puno ng Talisay gamit ang isang nylon na lubid na nakapulupot sa kanyang leeg dakong 7:30 ng umaga sa labas ng bahay ng kanilang namayapang lolo Jose Rollon kung saan ngayon nakatira ang biktima.


Agad namang inireport ni Gilbert Rollon sa San Fernando MPS ang naturang pangyayari. Mabilis namang rumesponde ang mga kapulisan at nakipag-ugnayan ito kay Dr. Nolmer Ruallo ng RHU San Fernando para sa Post Mortem examination.


Sa ginawang imbestigasyon ng mga tauhan ng San Fernando MPS, napag-alaman na ang biktima ay nakipag-inuman sa kanyang dalawang tiyuhin na sina Jerson Rollon at Joebert Ruado dakong 5:00 ng hapon hanggang 9:00 ng gabi ng Nobyembre 30, 2020 at habang nakipag-inuman ay humiram umano ng cellphone ang biktima sa asawa ni Jerson at may tinawagan itong tao at pagkatapos ng ilang minuto ng kanilang pag-uusap ay umiyak ang biktima na walang dahilan at ibinalik ang cellphone sa asawa ng tiyuhin.


Naniniwala ang kanyang mga tiyuhin na ang kausap ng biktima sa cellphone ay ang kanyang dating nobya na kahihiwalay lang nila noong nakaraang buwan na nagresulta ng kanyang labis na pagkatamlay at pagkalungkot, at siyang dahilan para ito ay napaghagulgol ng iyak matapos ng kanilang maiksing pag-uusap.

Ayon sa kapatid ng biktima na si Aizel Rivas Rollon ang kanyang kapatid umano ay dalawang beses nang nagtangkang magpakamatay sa pamagitan ng pagbigti at paglaslas ng pulso nitong nakalipas na Pebrero noong mamatay ang kanyang tatay ngunit nabigo pagkatapos na makita ng kanyang mga kamag-anak.


Ang labi ng biktima ay pinaawtopsiya ng mga awtoridad kay Dr. Nolber M. Ruallo at hinihintay pa ang resulta ng naturang eksaminasyon. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)


Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.