• Tony Miñano Macalisang

Dahil sa paglabag sa RA 8084, lalaking negosyante sa kabesira ng Romblon, tiklo


ROMBLON, Romblon – Hinuli ng mga awtoridad ang isang lalaking negosyate dahil sa paglabag nito sa RA 8084 as amended by RA 10593 (Coconut Preservation Act of 1995) nitong hapon ng Nobyembre 27, 2020 sa Barangay Li-o, Romblon, Romblon.


Ang inarestong suspek ay nakilalang si Jayson Mariño Mingo, 27 taong gulang, may kinakasama, negosyante at nakatira sa Barangay Guimpingan, Romblon, Romblon.


Sa ulat ng Romblon Municipal Police Station (RMPS) tumawag umano si Barangay Kagawad Conrado M. Montero ng Barangay Li-o, Romblon, Romblon sa himpilan ng Romblon MPS at ipinaalam nito ang kanilang naharang na mga nilagareng puno ng niyog sa kanilang barangay kung saan ay wala umanong maipakitang permit ang may-ari ng nasabing coconut lumber mula sa Philippine Coconut Authority (PCA).


Agad namang nagpadala ng mga tauhan ang Romblon MPS na pinamunuan ni PCMS Christian R. Miron at kanilang napag-alaman na ang nasabing coconut lumber ay hinahakot mula sa Barangay Agbaluto, Romblon, Romblon.


Hinanap ng mga awtoridad ang may-ari nito upang maberika kung mayroon silang kaukulang permiso mula sa PCA ngunit walang maipakita si Mingo at dahil dito siya ay inaresto ng kapulisan pagkatapos na ipaalam ang kanyang karapatan sa ilalim ng Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas.


Tumayong mga testigo sina Hon. John Peter Manzala at si Hon. Conrada M. Montero na kapwa mga Barangay Kagawad ng Barangay Li-o, Romblon, Romblon sa pagsagawa ng imbentaryo ng nakumpiskang cocolumber na may iba’t-ibang kaba, at lapad, at tinatayang nagkakahalaga ng sampung libong piso (P10,000.00).


Ang suspek at ang mga nakuhang ibedensya ay dinala sa Romblon MPS para sa dokumentasyon at disposisyon.


Ang naturang kaso ay itatalaga ng Romblon MPS sa Philippine Coconut Authority sa bayan ng Odiongan, Romblon para sa kaukulang disposisyon. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.