• Tony Miñano Macalisang

Dahil sa problema sa pag-ibig mangingisda sa Romblon nagpatiwakal


ROMBLON, Romblon – Isang mangingisda ang nagbigti gamit ang nylon na ipinulupot sa kanyang leeg at itinali sa beam ng kanilang bahay sa Sitio Lamao, Barangay Alad, Romblon, Romblon kahapon ng 5:30 ng hapon, Nobyembre 24, 2020.


Kinilala ni PLt. Hilario Eugenio, DECOP ng Romblon Municipal Police Station (RMPS) ang biktima na si Jovel Manzo, 25 taong gulang, may kinakasama, mangingisda at nakatira sa Sitio Lamao, Barangay Alad, Romblon, Romblon.


Dakong 6:30 ng gabi ng naturang petsa nakatanggap ng tawag sa cellphone ang Romblon MPS mula kay PSSg Guimera at ipinaabot ang tungkol sa nasabing pangyayaring pagpatiwakal ng isang lalaki kaya’t agad nagresponde ang mga tauhan ng Romblon MPS sa pangunguna ni PLt Hilario Eugenio upang beripikahin ang nasabing report.


Sa ginawang imbestigasyon ng Romblon MPS, dakong 5:00 ng umaga nangisda umano ang biktima kasama ang iba pang mangingisda at bumalik noong 4:00 ng hapon at pagdating sa kanilang bahay ay kanyang inilagay sa hugasan ang mga nahuling isda at dumiretso sa banyo upang maligo. Pagkatapos na maligo ay nagbihis ang biktima, at pumunta sa dalampasigan habang may kausapan sa kanyang cellphone. Hindi nagtagal ay umuwi umano sa kanilang bahay ang biktima at umupo sa silya.


Habang nagluluto ng kanilang ulam sa kusina ang nanay ng biktima ang tinawag umano nito ang kanyang anak (biktima) ngunit hindi man lang umano ito sumagot, at narinig lamang nito na natumba ang bangko at dali-dali itong pumunta sa kinaroroonan ng biktima at nagulat na lang siya nang tumambad sa kanya ang nakabitin at wala nang buhay na anak. Agad namang humingi ito ng saklolo sa kanilang kapitbahay at kanilang tinanggal ang tali na nakapalibot sa leeg ng biktima.


Napag-alaman na umalis at iniwan ng kanyang kinakasama (live-in partner) ang biktima mahigit isang linggo na ang nakalipas. Ayon sa pinsan ng biktima, nagsabi umano ang biktima na magpapakamatay kapag iniwan ng kanyang kinakasama.


Bago nangyari ang nasabing insidente, napansin rin ng mga kakilala na hindi kumikibo ang biktima, matamlay at malungkot ito nitong nakalipas na mga araw.


Kumbinsido ang kanyang ina at kamag-anak na naisipan umano ng biktima na kitlin ang sariling buhay dahil sa sobrang kalungkutan.


Sa kasalukuyan ay nakaburol ang labi ng biktima sa kanilang bahay sa Sitio Lamao, Barangay Alad, Romblon, Romblon. (Romblon Sun Online)


Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.