• Tony Miñano Macalisang

Dahil sa selos, lalaki sa Looc (Romblon) ginilitan sa leeg, naospital


LOOC, Romblon – Isang lalaki ang ginilitan sa leeg kahapon ng 11:30 ng umaga, Setyembre 7, 2020 sa Barangay Guinhaya-an, Looc, Romblon.


Kinilala ng pulisya ang biktima na si Gualberto Ignacio Oreta, 45 taong gulang, may kinakasama, magsasaka at residente ng Barangay Guinhaya-an, Looc, Romblon. At ang itinuturong suspek ay napag-alaman na si Hanero Lachica Saturnino, 57 taong gulang, may-asawa, walang trabaho at nakatira sa Barangay Guinhaya-an, Looc, Romblon.


Dakong 2:20 ng hapon ng Setyembre 7, 2020 personal na tumungo sa himpilan ng Looc Municipal Police Station (LMPS) si Rosemarie Oreta Santiago upang ipagbigay-alam ang nagyaring insidente nang pananaga kung saan ay sangkot ang kanyang biktimang kapatid na si Gualberto Oreta at ang suspek na si Hanero Saturnino na nangyari sa Barangay Guinhaya-an, Looc, Romblon.


Sa ginawang imbestigasyon ng mga tauhan ng Looc Municipal Police Station, mayroon umanong sekretong relasyon ang biktima at ang asawa ng suspek. At habang naghahanap umano ng titulo ng isang awitin ang biktima upang kanyang kakantahin sa videoke machine ng kanilang kapitbahay nang biglang dumating ang suspek at ginilitan umano sa leeg ang biktima gamit ang isang patalim at mabilis na tumakas dala ang ginamit na armas.


Agad namang sinaklolohan ang biktima ng kanyang mga kapitbahay at dinala ito sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital para mabigyan ng agarang lunas.


Samantala, nagsagawa naman ng manhunt operation ang mga tauhan ng Looc MPS para sa ikakahuli ng suspek. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.